January 22, 2025

Home BALITA

VP Sara, posible raw makasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Law

VP Sara, posible raw makasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Law
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/Facebook

Hindi raw inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na paglabag ni Vice President Sara Duterte sa RA 11479 o Anti-Terrorism Law kaugnay ng umano’y banta ng Pangalawang Pangulo laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez kung sakali raw na may mangyaring masama sa kaniya.

KAUGNAY NA BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang

Nitong Martes, Nobyembre 26, 2024, pormal nang naghain ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) sa tanggapan ng Office of the Vice President (OVP) upang imbitahan siyang magpaliwanag tungkol sa naturang death threat niya umano kina PBBM.

KAUGNAY NA BALITA:VP Sara, nahainan na ng subpoena ng NBI

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakasaad sa nasabing subpoena ang ilan sa mga umano’y batas na pinag-aaralan ng NBI na nilabag umano ni VP Sara kaugnay sa mga maaanghang niyang pahayag laban pangulo at liderato ng Kamara.

“To shed light on the investigation for alleged (Grave Threats under Art. 282 of the Revised Penal Code in re;. Sec. 6 of RA 10175 and Possible Violation of RA 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020),” saad ng naturang subpoena. 

Matatandaang sa panayam sa media ni NBI Director Jaime Santiago nitong ding Martes, sinabi niyang sa mismong bibig daw ni VP Sara nanggaling ang lahat ng mga pagbabanta sa buhay nila PBBM kaya raw gusto nila itong magpaliwanag. 

"Sabi nga ni Usec. Andres 'self confess mastermind.' Siya nagsalita eh, na siya papapatya niya si Presidente. Kailangan patayin si Presidente, si First Lady and the Speaker. Nanggaling sa kaniyang bibig 'yon, siya yung kumbaga'y mastermind. Siya yung nag-utos. So 'yan ang gusto naming i-clarify,” ani Santiago.

Ang Anti-Terror Law ay isa sa mga batas na mismong isinulong ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020, na nagsasaad na ang sinumang masasaklaw ng naturang batas ay puwedeng hulihin ng Law Enforcement Agent o military personnel ng walang warrant of arrest at idetine na hanggang 14 araw bago tuluyang iharap sa korte.

Samantala, hindi pa naglalabas ng pahayag ang Bise Presidente hinggil inihaing subpoena laban sa kaniya.