Tahasang sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na wala raw sa tamang katinuan si Vice President Sara Duterte hinggil sa mga naging pahayag nito sa mga nakalipas na araw.
Sa panayam ng media kay Trillanes nitong Miyerkules, Nobyembre 27, 2024, iginiit niya na umaasa raw siya na makita ng taumbayan ang umano’y redflags ni VP Sara bilang Pangalawang Pangulo ng bansa.
“Siguro naman nakikita naman ng mga kababayan natin lahat ng mga dangers, lahat ng mga red flags yung unfitness ni Sara Duterte to hold the position of Vice President,” ani Trillanes.
Kinuwestiyon din ni Trillanes ang kakayahan ng Bise Presidente na tumayo bilang Pangulo, kung sakali raw na may mangyaring masama sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, at diretsahan niyang sinabi na wala raw kasi sa katinuan si VP Sara.
“And remember as Vice President, she could be President anytime in cases of emergencies. Kaya imagine mo yung asal na nilalabas niya, pinapakita niya, bibigyan mo ng power ng presidency yan? Dapat kikilabutan yung bawat Pilipino. Wala ito sa tamang katinuan,” saad ng dating Senador.
Dagdag pa ni Trillanes, hinog na raw ang usapin ng impeachment para kay VP Sara.
“Oo, hinog na hinog na,” giit ni Trillanes.
Makailang beses ding binanggit ng dating senador na tila hindi raw talaga normal si VP Sara at sinabi niyang may “topak daw” ang Pangalawang Pangulo.
“Kailangan matanggal ito sa puwesto, nakita niyo ba? Sabi ko may topak eh. Nakita naman natin, hindi man tayo psychiatrist, pero alam natin yung may topak at normal. Sabi ko hindi 'to normal,” saad ni Trillanes.
Matatandaang nauna nang ihayag ni VP Sara sa pamamagitan ng Facebook Live na handa raw siyang sumailalim sa psychological test at iba pa raw medical tests kung sasailalim daw sa drug tests ang iba pang opisyal ng gobyerno partikular na sa Office of the President.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, hinamon OP, Senado, at Kamara na magpa-drug test 'sa harap ng taumbayan'