November 27, 2024

Home BALITA

National Jukebox Day: Kilala pa ba ng musikang Pilipino ang 'Jukebox Queens' ng Pinas?

National Jukebox Day: Kilala pa ba ng musikang Pilipino ang 'Jukebox Queens' ng Pinas?
Photo courtesy: ABS-CBN News

Ginugunita sa iba’t ibang panig ng mundo ang National Jukebox Day ngayong araw, Nobyembre 27, 2024. 

Isa sa mga naging mayabong na porma ng music streaming noon ay ang tinatawag na “Jukebox.” Isang music box na kinakilangang hulugan ng barya upang makapagpapatugtog ng iba’t ibang kanta. 

Bago pa man magkaroon ng Spotify at ITunes ang kasalukuyang henerasyon, nauna munang maging music streaming platform ang jukebox. Ito rin ang naunang katumbas ngayon ng YouTube. Sa hatid na musika ng jukebox, hindi maikakaila ang minsan nang naging tatak nito sa mga tinaguriang “Jukebox Queens ng Pilipinas.”

Sa mabilis na pagbabago ng music genre ng Original Music Pilipino (OPM), may nakakakilala pa nga ba sa sariling “Jukebox Queens” ng bansa?

Trillanes, iginiit na 'wala sa katinuan' si VP Sara

Minsang naging music hits noon ang mga awiting “Isang Linggo Pag-ibig,” “Tukso” at “Nakaw na Pag-ibig,” na inawit ng Jukebox Queen Trios na sina Imelda Papin, Claire dela Fuente at Eva Eugenio. 

Tubong Camarines Sur, ipinanganak noong 1956 si Imelda “Sentimental Songstress” Papin. Ilan sa mga naging kanta niya na tila naging “theme song” nga raw noong 80’s ay “Kung Liligaya Ka sa Piling ng Iba” at “Iniibig ko ang Iniibig mo.”

Isa rin sa mga nagpayabong ng OPM noon ay ang yumaong si Claire dela Fuente. Ipinanganak sa Maynila noong 1958 ang tinaguriang “Karen Carpenter” ng Pilipinas. Pinasikat noon ni Clair ang mga awiting “Sayang” at “Minsan-Minsan.” 

Taong 2021 nang magimbal noon ang OPM industry sa pagpanaw ni Claire matapos siyang magpositibo sa COVID-19 at heart attack. 

Hindi rin maaaring maalis sa listahan si Eva Eugenio na ipinanganak noong 1947 at laking Quezon City. Maraming nagsasabi na si Eva nga raw ang orihinal na Jukebox Queen na nakilala naman sa mga awiting “Taksil” at “Gulong ng Palad.”

Taong 2015 nang huling masilayan ng publiko ang pagsasama-sama ng Jukebox Queen Trio para sa isang concert noong Agosto 31, 2015 na ginanap sa Newport Performing Arts Theater of Resorts World Manila. 

Habang nitong 2024 naman nang makapag-concert pa si Imelda noong Marso at tila pansamantala namang nawala sa limelight si Eva, dahil sa paglabas ng mga bagong mang-aawit sa bansa. 

Tuluyan mang lumipas ang panahon, katulad ng isang musika, mananatiling buhay ang naging karera ng Jukebox Queens at magpapasa-pasa ang bawat liriko ng kanilang mga kanta.