Nagbigay na ng pahayag ang Parokya Ni Edgar lead vocalist na si Chito Miranda kaugnay sa kinsangkutang kaso ng asawa niyang si Neri Naig.
Sa Facebook post ni Chito nitong Miyerkules, Nobyembre 27, sinabi niyang hindi raw kailanman nanloko ng ibang tao ang misis niya.
“Never nanloko si Neri, at never sya nanlamang sa kapwa. Never siyang kumuha or nanghingi ng pera kahit kanino man. Alam ng lahat yan. Tulong lang sya ng tulong hangga't kaya nya,” saad ni Chito.
Dagdag pa niya, “Minsan kahit di na nakakabuti sa kanya. Kadalasan nga, naaabuso na sya pero hinahayaan nya nalang, basta wala syang ginawang masama. Pinapasa-Diyos nya na lang.”
Paglilinaw ng bokalista, endorser lang daw si Neri ng isang produkto at ginamit lang ang mukha nito para makahakot ng investors.
Ayon sa kaniya, “Kinasuhan sya ng mga nabiktima. Tapos last week, bigla na lang syang inaresto for the same case kahit hindi pa sya binigyan ng notice na may bagong criminal complaint pala laban sa kanya, and di nya na-defend yung sarili nya.”
“Wala syang nareceive na letter from the prosecutor, walang subpoena, walang kahit anong notice. Yung mga dati, nareceive namin nya, at nag comply sya, (alam naman ng lahat na madali kami mahanap sa Alfonso)” dugtong pa ni Chito.
Sa madaling sabi, ayon sa kaniya, dinampot na lang daw bigla si Neri ng mga opisyal.
Sa kasalukuyan, na-dismiss na raw ang kaparehong kaso ni Neri sa ibang lugar. Dalangin ni Chito, sana raw ay ma-dismiss na rin ang natitira pa.
Matatandaang nauna nang ibinalita ni showbiz insider Ogie Diaz sa kaniyang showbiz-oriented vlog na “Showbiz Updates” ang tungkol sa pagkakadakip ni Neri dahil umano sa paglabag sa Republic Act (RA) 8799 Section 8, o may titulong "Registration of Brokers, Dealers, Salesmen and Associated Persons" ng Security of Exchange Commission o SEC.
MAKI-BALITA: Misis ni Chito Miranda na si Neri Naig Miranda inaresto?
Samantala, ayon naman sa ulat ng ABS-CBN News nitong Miyerkules, Nobyembre 27, si Neri umano ang aktres-negosyanteng inaresto ng Southern Police District nitong Martes, Nobyembre 26.
MAKI-BALITA: Southern Police District, kinumpirmang may dinakip na aktres na alyas 'Erin'