Sinang-ayunan ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na “drug addict” umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang sa isang press conference nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 25, hinamon ni FPRRD ang militar na tugunan ang tinawag niyang “fractured” na pamahalaan, at iginiit din niyang drug addict umano si Marcos.
“Hanggang kailan kayo magsuporta ng drug addict na presidente?” saad ni FPRRD.
Sa panayam naman ng mga mamamahayag nitong Martes, Nobyembre 26, sinabi ni VP Sara na sumasang-ayon daw siya sa nasabing pahayag ni FPRRD hinggil sa pagkakaroon ng bansa ng “fractured government” at “drug addict” na presidente.
"I agree with fractured governand. I agree with the assumption that he is a drug addict, because he continuously refuses to do a drug test,” giit ni VP Sara.
“Napakadali naman, 'di ba? Tulad ko, napakadali naman. Sinabi ko kaagad: Gusto n’yo ng neuropsychiatric test o kung ano pa man 'yang test na gusto n’yong i-take ko? Gusto n’yo, ulitin ko yung bar exams? Lahat 'yan gagawin ko. No questions asked,” saad pa niya.
Samantala, nito lamang ding Martes nang igiit ng Malacanang na “makasarili” at “iresponsable” raw ang naturang mga pahayag ni FPRRD laban kay Marcos.
“No motive is more selfish than calling for a sitting president to be overthrown so that your daughter can take over,” ani Executive Secretary Lucas Bersamin.
MAKI-BALITA: Malacañang, inalmahan si Ex-Pres. Duterte: ‘He should respect the constitution!’
Matatandaang noong Enero 28, 2024 nang tawagin din ni FPRRD si Marcos na “bangag” at “drug addict.”
MAKI-BALITA: PBBM ‘bangag’, ‘drug addict’, sey ni ex-Pres. Duterte
Isang araw naman matapos nito, itinanggi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kasama si Marcos sa kanilang drug watchlist.
MAKI-BALITA: PDEA, kinontra si ex-Pres. Duterte; itinangging nasa drug watchlist si PBBM
Nang mga panahong iyong ay sinagot din ni Marcos ang naturang pahayag ni FPRRD at sinabing tumitira umano ito ng “fentanyl.”
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte tumitira daw ng 'fentanyl,' banat ni PBBM