Sa pagtatapos ng imbestigasyon ng Senado sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros na iniiwan na niya ang kapalaran ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kamay ng korte.
Sinabi ito ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, sa ika-16 pagdinig hinggil sa POGO nitong Martes, Nobyembre 26.
“Guo Hua Ping, this committee has unmasked you as a Chinese national mocking our Filipino identity to amass wealth and commit crimes against true Filipinos,” ani Hontiveros sa kaniyang closing statement.
“But I leave your fate, Ms. Guo, up to our courts, and I look forward to the day you face justice,” said Hontiveros, chairperson of the Senate women’s panel, during the hearing,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng senadora na masaya raw siyang hindi nakadalo sa nasabing pagdinig si Guo dahil dumalo ito sa pagdinig ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 167 hinggil sa kinahaharap niyang kasong qualified human trafficking.
“Masaya nga akong wala ka rito dahil huwes na ang kaharap mo. We abide by the rule of law in this country, and these hearings were never a trial for your crimes. The same goes for your co-conspirators and bad actors,” saad ni Hontiveros.
Matatandaang sa inilabas na order na may petsang Nobyembre 20, 2024, sinabi ni Pasig City RTC Branch 167 Judge Annielyn Medes-Cabelis na hindi makakadalo sa pagdinig ng Senado si Guo dahil kailangan nitong humarap sa pagdinig ng korte nito ring Martes dakong 8:30 ng umaga kaugnay ng walang piyansang kaso na qualified human trafficking.
Idinadawit si Guo sa umano’y ilegal na mga aktibidad ng Zun Yuan Technology, isang POGO na ni-raid kamakailan sa Bamban.