Nakaharap na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. si United Arab Emirates (UAE) President His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan ngayong araw ng Martes, Nobyembre 26 (umaga sa nabanggit na bansa) para sa kanilang bilateral meeting.
Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), sinalubong mismo ni Al Nahyan si Marcos, Jr. sa tanggapan ng una sa Abu Dhabi, ang kabisera ng UAE.
Nagtungo si PBBM sa UAE para sa bilateral relations ng UAE at Pilipinas, lalo na't marami sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay nasa nabanggit na bansa, partikular sa Dubai, isa sa mga ipinagmamalaking lungsod nila. Nais ding palakasin ng dalawang bansa ang ugnayang may kinalaman sa ekonomiya.
Ibinahagi ng UAE President sa kaniyang X post ang kaniyang kagalakan sa pagtanggap kay PBBM, kasama ang asawang si First Lady Liza Araneta Marcos.
"Today I welcomed President Ferdinand Marcos Jr. to Abu Dhabi to discuss opportunities to further deepen cooperation between the UAE and the Philippines across vital fields, including economy, trade, and sustainability," anang Al Nahyan.
"As our countries celebrate 50 years of friendship and collaboration, we remain committed to bolstering ties and bringing lasting benefit to our peoples."
Ang Pilipinas at UAE ay may matatag na diplomatic relations simula pa noong 1974.
Nagpasalamat naman ang Malacañang sa mainit na pagtanggap ng UAE government sa pangulo ng bansa.
Tumulak pa-UAE si PBBM kasama si FL Liza, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maroa Antonia Yulo-Loyzaga, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairman Victorino Manalo, Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Charles Jose, at dating Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary at tumatakbong senador na si Benjamin Abalos.
Samantala, itinalagang caretaker ni PBBM ng bansa habang wala siya sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.
KAUGNAY NA BALITA: Sa pagpunta niya sa UAE; PBBM, pinagkatiwala bansa kina Remulla, Estrella, Bersamin