January 22, 2025

Home BALITA National

Pamilya ni Ninoy Aquino, tinututulan anumang banta ng karahasan o pagpaslang

Pamilya ni Ninoy Aquino, tinututulan anumang banta ng karahasan o pagpaslang
NINOY AQUINO (Photo courtesy: Ken at Lupita Kashiwahara via MB), Noynoy Aquino/Facebook

Naglabas ng pahayag ang pamilya ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., nitong Martes, Nobyembre 26. 

"Si Ninoy Aquino na siguro ang pulitikong nakaranas ng pinakamatinding panggigipit mula sa mga Marcos," pahayag ng Pamilya Aquino para sa ika-92 kaarawan ng dating senador sa Miyerkules, Nobyembre 27.

"Karapat-dapat na sila'y panagutin para sa kanya at sa libu-libo pang dinakip, tinortyur, at pinatay sa panunungkulan ni Marcos, Sr. 

"Gayunpaman, hanggang sa kaniyang huling araw, naniwala si Ninoy sa lakas ng mapayapang pakikibaka, at noong 1986, ito ang nagpalaya sa atin mula sa kalupitan at kasakiman ng diktadura. Ito rin ang paninindigan ng naiwan niyang pamilya," dagdag pa ng mga Aquino.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Sa huling bahagi ng pahayag, tinututulan anila ang anumang banta ng karahasan.

"Mariin naming tinututulan ang anumang bantang karahasan o pagpaslan. Ipanalangin natin ang ating bayan."

Noynoy Aquino/Facebook

Samantala, bago pa man ang naturang pahayag para sa kaarawan ng dating senador, muling narinig ang pangalan ni Ninoy nang sagutin ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na papalagan nito ang kaniya umanong “assassination threat” laban dito at maging kina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez. 

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Nobyembre 25, sinabi ni Duterte na papalagan din daw niya ang mga ginagawa sa kaniya nina Marcos. 

“Pumalag nga yung buong bayan noong pinatay ng pamilya nila si Benigno Aquino Jr.,” giit ni Duterte.

“Papalagan ko rin yung ginagawa nila sa akin,” saad pa niya.

BASAHIN: VP Sara sa pagbuwelta sa kaniya ni PBBM: ‘Papalagan ko rin ginagawa nila sa’kin!’

Si Benigno Aquino Jr., mas kilala bilang “Ninoy,” ay isang senador ng 7th Congress at hayagang kritiko ng rehimen ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Isa si Ninoy sa mga unang inaresto matapos ang deklarasyon ng batas militar noong 1972.

Noong Agosto 21, 1983 nang paslangin si Ninoy sa Manila International Airport (ngayon ay Ninoy Aquino International Airport), kung saan ito ang nagpasiklab ng EDSA People Power Revolution at nagpatalsik sa mga Marcos sa Malacañang.

Samantala, base sa mga opisyal na tala, hindi pa natutukoy kung sino talaga ang pumatay kay Ninoy.