Tahasang hinamon ni Vice President Sara Duterte ang mga nagtatrabaho sa Office of the President, Senado, at Kamara na magpa-drug test. Aniya pa, sisimulan daw ito ng Office of the Vice President.
Ito ay kasunod ng pahayag niyang handa raw siyang sumailalim sa psychological o neuropsychiatric test, at drug test matapos siyang masabihan na "wala sa tamang pag-iisip."
BASAHIN: Matapos sabihang krung krung at baliw: VP Sara, handang sumailalim sa psychological test
"Sinabi nila ako raw ay krung krung, ako raw ay baliw, ako raw ay wala sa tamang pag-iisip, ano bang sabi ko sa inyong lahat? psychological test, neuropsychiatric test? kahit ano pang test 'yan, gagawin ko 'yan. Dagdagan ko pa ng drug test," ani Duterte.
"Pero dapat magpa-drug test ang lahat ng mga nagtatrabaho sa Office of the President, Office of the Vice President, sa lahat ng opisina ng Senado, sa lahat ng opisina ng House of the Representatives, sa lahat ng departamento ng ating bayan, ng ating pamahalaan," dagdag pa niya.
"Magpa-drug test tayong lahat sa harap ng taumbayan. Dalawa lang 'yan, mga kababayan. Ibigay namin ang mga pangako namin sa inyo noong nangangampanya kami at ipapakita namin sa inyo na matino kami. Magpapa-drug test kaming lahat. Simulan namin sa Office of the Vice President," anang bise presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Giit ni VP Sara, ginawa raw siyang 'punching bag' ng gobyerno para pagtakpan umano ang 'kalokohan' nito