Pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos kung kanino niya ipagkakatiwala ang bansa, sa pag-alis niya papuntang United Arab Emirates (UAE) sa darating na Nobyembre 26, 2024.
Kinumpirma ni Press Secretary Caesar Chavez sa Palace media nitong Lunes, Nobyembre 25, na inihahabilin umano ni PBBM ang buong bansa kina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.
Nakatakdang makipagpulong si PBBM kay UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan sa Abu Dhabi.
Matatandaang bago pumutok ang isyu sa alitan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, ay minsan na niyang ipinagkatiwala ang buong bansa kay Vice President Sara Duterte.
Samantala, tila lumala ang sigalot sa pagitan ng administrasyon ni PBBM at VP Sara noong Nobyembre 23 matapos maghayag ng mga maaanghang na salita ang Bise Presidente laban sa Pangulo, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez
Kasalukuyan din daw na iniimbestigahan ng awtoridad ang naging pahayag ng Bise Presidente hinggil sa umano’y pagpapatumba niya kina PBBM kung sakali raw na may mangyaring masama sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: PNP chief Marbil, pinaiimbestigahan ‘assassination threat’ ni VP Sara kay PBBM
KAUGNAY NA BALITA: Giit ng Presidential Security Command, banta ni VP Sara: 'A matter of national security'