Taong 2011 nang magsimula ang ABS-CBN Film Restoration sa kanilang “Sagip Pelikula” initiative na naglalayong muling bigyang-kulay ang mga pelikulang tila napaglumaan na ng tagal ng panahong lumipas.
Base sa ulat ng ABS-CBN News, nakapag-restore na ang Sagip Pelikula ng mahigit 200 titulo ng klasikong pelikula, kabilang na ang digitally restored at remastered version ng Pinoy cinematic masterpieces na "Himala," "Oro, Plata, Mata," "Ganito Kami Noon… Paano Kayo Ngayon?," at "Dekada '70.”
Ngunit, bakit nga ba mahalaga pa ring tangkilikin sa henerasyon ng kasalukuyan ang mga pelikulang ng nakaraan?
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ng manunulat at OIC ng Intertextual Division ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na si Beverly “Bebang” Wico Siy, nararapat lamang na manood ng classic films ang bagong henerasyon, lalo na kabataan, dahil sinasalamin ng naturang uri ng pelikula ang kultura at kasaysayan ng bansa.
“Tayo, at ang kasalukuyang henerasyon ng kabataan ay dapat na nanonood ng classics o mga pelikula ng nakaraan dahil makikita nila kung paano nabubuhay at kung ano ang kultura ng mga Pilipino noon,” ani Siy.
“Magkakaroon sila ng ideya ano ang itsura nila, anong kinakain, paano nagsasalita, anong pananamit. So napakagandang uri ng dokumentasyon ang mga pelikula ng nakaraan,” dagdag niya.
Bukod dito, sinabi rin ni Siy na sa pamamagitan ng classic films, nagkakaroon ng ideya ang kabataan kung ano ang mga suliraning kinakaharap ng henerasyon noon at saka ano ‘yong mga tagumpay.
Ayon naman kay actress-host Sue Prado, na nagsilbing speaker at host sa pagpapalabas ng CPP Cine Icons ng classic film na “Ipaglaban Mo!: The Movie” para sa inisyatibong 18-Day Campaign to End Violence Against Women and Children (VAWC), mahalagang panoorin ng bagong henerasyon ang mga klasikong pelikula dahil dito mauunawaan ng kasalukuyan ang kasaysayan patungo sa mas mabuting hinaharap.
“Hindi natin malalaman, mahihirapan tayong maunawaan ang present at kung ano ang tinitingnan natin sa hinaharap kung hindi natin alam ang ating nakaraan,” saad ni Prado.
Ikaw, Ka-Balita, ano ang paborito mong classic film?