Naka-admit na muli si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy sa Philippine Heart Center matapos pahintulutan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 noong Biyernes, Nobyembre 22, 2024 ang kaniyang hiling para sa extension ng kaniyang medical treatment kaugnay umano ng impeksyon niya dulot ng dental implant.
Ayon sa kumpirmasyon ni Philippine National Police (PNP) public information officer Brig. Gen. Jean Fajardo, dumating sa Heart Center si Quiboloy noong Sabado, Nobyembre 23, mula sa PNP Custodial Center.
Matatandaang kamakailan lang ay dinala si Quiboloy sa ospital matapos umano itong makaranas ng irregular heartbeat.
Isinaad din sa isang viber message ni Fajardo na sa Nobyembre 27, daw ang nakatakdang pagbalik ni Quiboloy PNP Custodial Center, alinsunod sa Pasig RTC.
“He is expected to be back by 4 p.m. of Nov. 27 pursuant to the order issued by the court,” ani Fajardo.
Maliban din umano sa kaniyang dental implants, nakatakda ring sumailalim sa ilang medical tests si Quiboloy.
Si Quiboloy ay nasa ilalim ng pangangalaga ng PNP Custodial Center matapos maharap sa qualified human trafficking case at child abuse na nauugnay sa kaniya bilang leader at founder ng KOJC.