Tinawag na “unconstitutional” ni Manila Third District Rep. Joel Chua ang umano’y pagiging legal counsel ni Vice President Sara Duterte para sa kaniyang chief-of-staff na si Zuleika Lopez na nakadetine sa Kamara.
Sa panayam ng ABS-CBN News Channel (ANC) kay Chua nitong Sabado, Nobyembre 23, 2024 inihayag niyang labag sa batas ang ginagawang panghihimasok ng Pangalawang Pangulo sa estado ni Lopez matapos itong mabigyan ng contempt order noong Nobyembre 20, 2024.
“Under the Constitution, the president, the vice president, the members of the Cabinet are prohibited from practicing their profession. So I do not know where the VP is getting this idea that she can stand as counsel for Atty. Lopez,” ani Chua.
Ang tinutukoy ni Chua na nilabag ni VP Sara mula umano sa Constitution ay ang nakasaad daw sa Section 13, Article VII (Executive Department) ng 1987 Charter, kung saad isinasaad nito na “The President, Vice-President, the Members of the Cabinet, and their deputies or assistants shall not, unless otherwise provided in this Constitution, hold any other office or employment during their tenure. They shall not, during said tenure, directly or indirectly practice any other profession.”
Saad pa ni Chua, ang pag-akto raw ni VP Sara bilang legal counsel ay tila paraan lang nito upang masamahan sa loob ng detention room ng Kamara si Lopez.
Matatandaang dalawang beses daw kasing pumapel ang Bise Presidente sa paghahain ng mga tauhan ng Kamara na ilipat si Lopez mula House of Representatives patungong Women’s Correctional nitong Sabado ng umaga, Nobyembre 23.
Nauna na ring ihayag ni Chua na hindi maaaring pumasok at samahan ni VP Sara si Lopez sa loob ng kaniyang detention room dahil hindi naman daw “subjected for detention” ang Pangalawang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina