Nagbakasyon lang pansamantala sa Pilipinas pero naging instant milyonaryo na ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Middle East nang mapanalunan niya ang mahigit ₱37 milyon sa Super Lotto 6/49 na binola noon lamang Oktubre.
Sa ulat ng PCSO, nahulaan ng lone bettor sa ang winning combination na 20-32-29-31-01-22 na binola noong Oktubre 20 at may kaakibat na premyong ₱37,462,798.00.
Nang kubrahin ang premyo kamakailan, sinabi ng lone bettor na matagal ng inaalagan ng kaniyang ama ang mga winning number, pero dahil ito ay may sakit at hindi na kaya tumaya, ipinagpatuloy niya ang pagtaya sa lotto.
Samantala, kahit instant milyonaryo na, babalik pa rin daw sa ibang bansa ang lalaking OFW para magtrabaho.
“Masyado po mabait ang amo ko to the point na nahihirapan akong iwanan siya. Babalik po ako ng Middle East at doon na lang po ako mag-iisip kung ano gagawin ko sa aking napanalunan,” aniya.
Nagpaalala rin ang PCSO na alinsunod sa TRAIN Law, ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax.
Ang SuperLotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.