Ginugunita ngayong araw ng Sabado, Nobyembre 23, 2024 ang ika-15 anibersaryo ng karumal-dumal na pananambang at pagpatay sa tinatayang 58 katao sa Maguindanao Massacre noong 2009.
Nobyembre 23, 2009 nang maganap ang malagim na pagpatay sa kampo ni Esmael Mangudadatu sa paghahain ng Certificate of Candidacy sa pagka-gobernador para sa noo’y darating na Mayo 2010 elections. Kasama ang ilang media workers at kaaanak niya, tinambangan at inilibing ng buhay ang mga ito mula sa utos ng kalaban niya sa politika.
Mabilis na pumutok ang balita sa loob at labas ng bansa, higit lalo na sa sinapit ng 32 mga mamamahayag na nadamay sa nasabing massacre. Dulot nito, nakasama ang Pilipinas, bilang isa sa mga bansang delikado para sa mga mamamahayag.
Para sa estado ng isa sa mga mamamahayag na napaslang sa naturang massacre, hindi matatapos ang kanilang laban hangga’t hindi natatagpuan ang labi ni Reynaldo “Bebot” Momay na hanggang ngayon ay hindi pa rin tukoy kung nasaan.
Matapos ang 15 taon, nananatiling umanong sumisigaw ng hustisya ang mga kaanak ng biktima, dahil ayon sa National Press Club ay nasa 80 pang mga suspek ang hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ng mga awtoridad; tanging 28 pa lamang ang convicted ng murder habang 15 ang nabasahan ng guilty bilang mga accessories sa pagpatay sa mga biktima.
Sa halos dekadang paggulong ng kaso, walang ibang mastermind na itinuturo sa imbestigasyon kung hindi ang magkapatid na si Andal Ampatuan Sr. at Zaldy Ampatuan Jr. na nasentensyahan ng habang buhay na pagkakakulong. Ang pamilya Ampatuan ang isa sa mga pinakamakapangyarihan sa Maguindanao na noo’y mortal na katunggali ni Mangudadatu sa politika.
Sa paggunita ng isang dekada at limang taong pagkakapaslang sa mga biktima, inihayag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang paniniguro nila sa proteksyong umanong maaari nilang maibigay para sa mga mamamahayag sa bansa.
“This dark day in Philippine history saw the brutal killing of 58 people, including 32 media workers. We remember the victims, honor their memory, and reaffirm our unwavering commitment to protecting the lives and freedoms of journalists in the Philippines,” anang ahensya.
Giit pa ng PTFoMS, mananatili raw ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos upang maitaguyod pa raw ang kahalagahan ng malayang pamamahayag sa bansa.
“A free press is essential to a functioning democracy, and we must all contribute to ensuring that journalists can do their jobs without fear of reprisal” saad ng PTFoMS.