November 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

10 anak napag-aral sa kolehiyo ng mga magulang sa pagtitinda ng fishball, balut

10 anak napag-aral sa kolehiyo ng mga magulang sa pagtitinda ng fishball, balut
Photo courtesy: Screenshot from Good News (GTV)

Hinangaan ng mga netizen ang mag-asawang sina "Ferdinand at Maria Atienza" na nagtitinda ng mga patok na street food gaya ng fishball at balut, dahil sa pamamagitan nito, ay nakapagpatapos at nakapagpapaaral sila ng mga anak sa kolehiyo.

Sa pagtatampok ng "Good News" ni Vicky Morales sa GTV na may pamagat na "Tagpi-Tagping Tagumpay," dahil daw sa sipag at tiyaga sa pagtitinda ng fishball at balut, talagang iginapang ng mag-asawa ang pag-aaral ng kanilang mga anak lalo na sa kolehiyo.

Apatnapu't limang taon na raw kasal ang mag-asawang Fredy at Maring, at talagang sinanay nila ang mga anak na mamuhay lamang ng simple. Kung ano-anong mga raket na raw ang pinasok nila bukod sa fishball at balut, gaya ng paggawa ng hollow blocks at pagtitinda ng tinapay.

Ang nakatutuwa raw sa mga anak nila, hindi raw sila nagreklamo sa kung anong buhay ang mayroon sila, bagkus ay tumutulong pa para sa kapakanan ng kanilang pamilya.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Nakaranas din silang mag-ulam ng ketchup dahil sa kasalatan ng pambili ng masasarap na ulam. Nilibak din sila ng mga kapitbahay dahil tagpi-tagpi at butas-butas daw ang kanilang bahay, at sinasabihan silang "iskwater."

Marami rin namang pagsubok na pinagdaanan ang kanilang pamilya gaya ng pangungutang at pagkasalanta sa bagyo, subalit hindi ito naging hadlang para magpatuloy at lumaban sila.

Bilang pagmamahal at pagtanaw ng utang na loob naman ng magkakapatid sa sakripisyo ng kanilang mga magulang, ang dati nilang maliit at tagpi-tagping bahay, kanilang pinalaki at pinaganda.

Napagtapos ng mag-asawa ang kanilang mga anak na ang degree program ay Education, Office Management, Hotel and Restaurant Management (HRM), Engineering, at Business Administration.

Dalawa pa sa mga anak ay graduate ng master's degree at ang isa ay may doctorate degree naman.

Ang bunso naman ay nasa third year college na, kaya ang mag-asawa ay "graduate" na rin sa pagtitinda dahil inako na ng mga propesyunal nilang anak ang pag-aaral nito.