Kinumpirma ni Secretary General Reginald Velasco sa media nitong Biyernes ng umaga, Nobyembre 22, 2024 na nagpalipas ng gabi si Vice President Sara Duterte sa House of Representatives nitong Huwebes, Nobyembre 21, upang damayan umano ang kaniyang chief of staff na si Zuleika Lopez na naka-detain sa Kamara.
Matatandaang nabigyan ng contempt order si Lopez sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability noong Miyerkules, Nobyembre 20, mula sa hiling ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro, dahil umano sa liham ng Office of the Vice President sa Commission on Audit (COA) na naglalaman umano ng hindi paglalahad ng COA sa Kamara na ibigay ang audit nito sa OVP.
Samantala, ayon kay Velasco, bumisita ang Bise Presidente kay Lopez hanggang sa matapos ang visiting hours dito at pagkatapos ay tuluyan daw itong nagpalipas ng gabi sa opisina ng kaniyang kapatid na si Davao Rep. Paolo Duterte.
“Natuloy ‘yon, the VP arrived around 7:40 pm at the premises, and we allowed her to visit Atty. Lopez doon sa visitor’s center, where they both stayed there until around 10:00 p.m. After 10 [p.m.], when they were informed that the visiting hours were over, the VP decided to go to the office of the Congressman from Davao, Congressman Pulong Duterte,” anang Velasco sa phone interview sa media.
Nakatakdang manatili sa House of Representatives si Lopez hanggang Lunes, Nobyembre 25.
Hinggil naman sa naging pahayag ni VP Sara na nadadamay na raw ang kaniyang mga tauhan ng dahil lamang umano sa politika, tahasan naman itong sinagot ni House Speaker Martin Romualdez at hinamon siyang sumipot sa mga susunod pa raw na pagdinig ng Kamara kaugnay pa rin kuwestiyonableng paggamit ng pondo ng OVP at Department of Education na noo’y nasa ilalim ng pamumuno ng Bise Presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Speaker Romualdez kay VP Sara hinggil sa pagdinig ng Kamara: ‘Dapat lang siyang sumipot!’
-Kate Garcia