Tila palitan ng liham ang eksena sa pagitan ng House committee on good government and public accountability at magkapatid na sina Vice President Sara Duterte at Davao Rep. Paolo Duterte nitong Biyernes, Nobyembre 22, 2024.
Matapos kasi ang kumpirmasyon na nagpalipas ng gabi ang Pangalawang Pangulo sa Kamara nitong Huwebes, Nobyembre 21 upang samahan daw ang kaniyang chief of staff na si Zuleika Lopez na siyang nakaditene riito dahil sa contempt order, ay inalmahan na ito ng ilang mambabatas.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order
Kaugnay nito, hindi naman pinahintulutan ni Committee Chairman Joel Chua ang liham ni VP Sara na humihingi ng kaniyang permiso na masamahan niya si Lopez sa detention facility hanggang sa Nobyembre 25, 2024, ang araw ng nakatakdang pagpapalaya rito.
Batay sa opisyal na liham ni Chua bilang tugon sa Bise Presidente, sinabi niyang hindi raw maaaring pahintulutan ang hiling nito dahil hindi naman umano subjected for detention ang Pangalawang Pangulo.
Samantala, hinggil naman sa pananatili ng kaniyang kapatid sa kaniyang opisina, naglabas din ng liham si Rep. Paolo Duterte para kay Chua at nilinaw na pinahihintulutan daw niya ang Pangalawang Pangulo na manatili sa kaniyang opisina hangga’t gusto nito.
“I have given my sister, Vice President Sara Dutere, my unconditional permission to stay indefinitely in my office to discharge her day-to-day duties,” anang mambabatas.
Sinuguro din ni Rep. Duterte na wala raw mangyayaring gulo o lalabagin sa batas ang pananatili ng kampo ng kaniyang kapatid sa kaniyang opisina.
“I guarantee that no illegal acts or unlawful activities shall be committed by the Vice President, her security and other personnel during their stay,” anang mambabatas.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kung ano magustuhan' VP Sara, hindi nirerespeto ang institusyon?