Tila kinagiliwan ng marami ang ibinahaging mga larawan ng Guinness World of Records, sa pagtatagpo ng pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo.
Ayon sa ulat ng ilang international media outlets, naganap ang meetup ng dalawang record holder nitong Huwebes, Nobyembre 21, 2024 (araw sa Pilipinas) para umano sa selebrasyon ng The Guinness World Record Day 2024.
Sa TikTok post na inilabas ng Guinness, makikita ang pagsasama nina Rumeysa Gelgi, 27- anyos mula sa Turkey na may tangkad na (7 ft 7in) at Jyoti Amge, 30-anyos mula sa India na nasa (2ft 1n) ang taas.
Ayon sa Cleveland clinic, mayroon umanong genetic disorder na “Weaver syndrome” si Gelgi, isang disorder na nagdudulot ng abnormalities sa paglaki ng isang tao. Habang si Amge naman ay mayroong kondisyon na Achondroplasia o kung tawagin daw ay dwarfism.
Matagal na raw inaantay ni Gelgi na magkita sila ni Amge na tinawag niyang “gorgeous lady.”
“She is a gorgeous lady and I was waiting to meet her for a long time,” ani Gelgi.
Nagpasalamat naman si Amge sa pagkakataon daw na naibigay sa kaniya upang makasama si Gelgi.
“It was lovely to meet the tallest woman in the world for the first time, she is so good-natured, I felt really comfortable talking with her,” anang world’s shortest woman.
Samantala, naglabas din ng pahayag si Guinness World Records editor-in-chief Craig Glenday at inihayag ang importansya sa pagkilala umano ng pagkakaiba ng aniya’y “iconic women.”
“Guinness World Records is all about celebrating differences, and by bringing together these two amazing, iconic women, they can share their perspectives on life with each other and also with us,” ani Glenday.
-Kate Garcia