November 22, 2024

Home BALITA National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros
Photo courtesy: Kate Garcia/Balita

Opisyal nang pinasinayaan ng Intramuros ang bago at mas pinagandang mga atraksyon ngayong holiday season.

Dinaluhan ni First Lady Liza Araneta-Marcos at iba pang opisyal ng gobyerno ang engrandeng pasilip ng Intramuros sa dalawa sa mga natatanging atraksyon ng lugar kasama ang pagpapaliwanag sa Plaza Roma nitong Huwebes, Nobyembre 21, 2024. 

Upang opisyal na ideklara ang muling pagbubukas sa publiko ng dalawa sa mga pinakamakasaysayang museo, ang Museo de Intramuros at Centro de Turismo Intramuros, pinangunahan ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang symbolic Bell Ring Ceremony, kasama sina Senate President Chiz Escudero, Jenny Alcazar ng Department of Human Settlements and Urban Development at National Commission for Culture and Arts Chairperson Victorino Manalo.Kasama rin sa mga nakiisa sa nasabing grand re-opening ng dalawang museo ay sina Manila City Mayor Honey Lacuna at Sen. Robin Padilla.

Bukas sa publiko ang naturang museo mula Martes hanggang Linggo, 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. Inihayag din ng pamunuan ng Intramuros na nasa ₱150 ang regular pass para sa access ng Museo de Intramuros at Centro de Turismo Intramuros habang nasa ₱120 naman ang discounted rates.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Mistulang nagningning naman ang kapaligiran ng Plaza Roma sa harapan ng Manila Cathedral matapos ang lighting ceremony ng Meralco Liwanag Park kung saan sinabayan din ito ng harana ng choir at marching band. 

Para kay Intramuros Administrator Joan Padilla, ang pagpapailaw daw nila sa kapaligiran ng Plaza Roma ay sumisimbolo rin umano sa pagsiklab ng pag-asang muling makabangon ang mga Pilipinong nasalanta ng magkakasunod na pagtama ng bagyo sa bansa. 

“We also offer hope to fellow Filipinos, especially those who were affected by the recent typhoons. May this festive season bring comfort and strength as they rebuild their lives,” ani Padilla sa kaniyang opening remarks. 

Samantala, sa eksklusibong panayam ng Balita sa Senate President, sinabi niya na importante raw na maramdaman pa rin ang diwa ng kapaskuhan sa kabila ng mga kalamidad na hinarap ng bansa. 

“Sa kabila ng kalamidad na kinakaharap natin, importante pa rin na alalahanin natin ang diwa ng Pasko sa pamamagitan man lamang ng simpleng ilaw, para hindi natin makaligtaan ang diwa ng okasyong ito, na kapanganakan ni Hesus,” ani Escudero.

Muli namang hinimok ni Manila City Mayor Honey Lacuna ang publiko na bumisita sa Intramuros, na aniya’s mas pinaganda raw sa tulong ng Intramuros Administration at Department of Tourism. 

“Lahat po kayo ay iniimbitahan namin sa Intramuros, mas pinaganda po ito ng Intramuros Administration under the Department of Tourism,” anang alkalde. 

Maaaring mapuntahan at masaksihan ng publiko ang nagliliwanag na Christmas lightings sa Plaza Roma araw-araw mula 6:00 ng hapon hanggang 10:-00 ng gabi hanggang Enero 6, 2025.

Kate Garcia