November 23, 2024

Home FEATURES

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC
(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Sa kanilang pakikiisa sa “18-Day Campaign to End Violence Against Women and Children (VAWC)” ngayong taon, ipinalabas ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Cine Icons ang classic movie “Ipaglaban Mo!” sa GSIS Theater sa Pasay City nitong Biyernes, Nobyembre 22.

Unang inilabas noong 1995, dinirehe ang “Ipaglaban Mo!: The Movie” ni National Artist for Film and Broadcast Arts Marilou Diaz-Abaya at sinulat ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee.

Tungkol ang pelikula, hango sa seryeng “Kung May Katwiran, Ipaglaban Mo!”, sa dalawang kaso ng pagsasamantala sa kababaihan, partikular na ang kasong qualified seduction at rape. 

Pagkatapos ipalabas sa madla ang restored version ng pelikula, nagkaroon din ng talkback session na pinangunahan ng manunulat at OIC ng Intertextual Division ng CCP na si Beverly “Bebang” Wico Siy at ng aktres at host na si Sue Prado, na siya ring nagsilbing host ng event.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Eksklusibong natanong ng Balita sina Siy at Prado kung bakit mahalaga pa rin sa kasalukuyang henerasyon ang mga klasikong pelikulang tulad ng “Ipaglaban Mo!”

Ani Siy, napapanahon pa rin ang nasabing pelikula dahil tinatalakay nito ang mga isyung panlipunan na talamak pa rin hanggang sa kasalukuyan, partikular na ang karahasan sa kababaihan.

“Walang masyadong nagbago, napakarami pong kaso na ganito. Hanggang ngayon, kapag nagbasa po kayo, kapag nanood kayo ng mga related na panoorin sa mga kaso na may kinalaman sa abuse of violence against women and children, halos hindi nagbago. [...] Ang ganda ng pagkakagawa ng pelikula, na pinakita ‘yung mga struggle ng lahat ng importanteng tao sa kaso,” ani Siy.

Sinabi naman ni Prado na isang magandang halimbawa ang “Ipaglaban Mo!” kung gaano “ka-powerful” ang cinema kapag ginamit sa tamang paraan, lalo na sa kasalukuyan.

“Through cinema, nagiging accessible ang lenggwahe para doon sa mga bagay na hindi mapag-usapan. Kumbaga nagbubukas siya ng iba’t ibang mga pinto para mapag-usapan ang iba’t ibang mga isyu ng lipunan,” saad ni Prado.

“Kaya sana sa paggawa ng cinema, palaging huwag kalilimutan ang social responsibility kasi laging may impact ang cinema sa mga manonood at sa lipunan,” dagdag niya.

Samantala, sa kaniyang maikling talumpati sa event ay ipinahayag ni CCP Vice President at Artistic Director Dennis Marasigan na ang naturang proyekto ang isa sa kanilang mga paraan upang suportahan ang kampanya laban sa VAWC.

Mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 inoobserbahan kada taon ang 18-Day Campaign to End VAWC na naglalayong protektahan ang karapatan ng kababaihan at kabataan sa iba’t ibang dako ng mundo.