“Siya lang yata may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh…”
Hinamon ni House Speaker Martin Romualdez si Vice President Sara Duterte na humarap sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability matapos ang naging pahayag ng bise presidente na kawawa raw ang mga opisyal ng kaniyang opisina na nadadamay dahil sa panggigipit umano sa kaniya ng Kamara.
Sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, Nobyembre 21, sinabi ni Romualdez na dapat lamang na sumipot si Duterte sa pagdinig dahil tila hindi umano alam ng lahat ng kaniyang mga opisyales ang nangyari hinggil sa pondo ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito.
“Dapat lang siyang sumipot at mag-oath at magsalita at mag-eksplika,” giit ni Romualdez.
“Kasi lahat ng mga opisyales niya—Siya lang yata may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh.”
“Kaya dapat siya ang mag-eksplika. Huwag na niyang ibigay sa mga officials niya sa OVP at sa DepEd. Sana lang magsalita. Yun na lang po,” saad pa niya.
Nitong Miyerkules, Nobyembre 20, nang hindi muli dumalo si Duterte sa isagawang pagdinig ng komite ng Kamara hinggil sa umano’y maling paggamit ng public funds at confidential funds utilization ng OVP, at maging ng DepEd nang siya pa lamang ang kalihim ng ahensya.