November 21, 2024

Home BALITA National

‘Pinas, tutuparin mga kondisyon ng Indonesia para sa pagpapauwi kay Veloso – DFA, DOJ

‘Pinas, tutuparin mga kondisyon ng Indonesia para sa pagpapauwi kay Veloso – DFA, DOJ
(MB file photo)

Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) na tutuparin nila ang mga kondisyon ng Indonesia para sa pagpapauwi kay Mary Jane Veloso, ang Pilipinang nakulong nang mahigit isang dekada sa naturang bansa dahil sa kasong drug trafficking. 

Sa kanilang joint statement na inilabas nitong Huwebes, Nobyembre 21, sinabi na susundin ng pamahalaan ang mga kondisyon ng Indonesian government, maliban sa death penalty na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

“On the transfer of Mary Jane Veloso from the Indonesian government to the Philippines, we are bound to honor the conditions that would be set for the transfer, particularly the service of sentence by Mary Jane in the Philippines, save the death penalty which is prohibited under our laws,” anang DFA at DOJ.

Kasalukuyan pa lamang naman daw pinagdidiskusyunan ang mga kondisyon ng Indonesia para sa nasabing paglilipat kay Veloso. 

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Matatandaang nitong Miyerkules, Nobyembre 20, nang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakauwi na sa bansa si Veloso, isang overseas Filipino worker (OFW), matapos ang mahigit isang dekadang pakikipag-usap sa pamahalaan ng Indonesia.

MAKI-BALITA: Nasentensyahang si Mary Jane Veloso, babalik na sa Pilipinas—PBBM

Samantala, sa isang panayam nito ring Huwebes, sinabi ni Marcos na hindi nila sinasara ang posibilidad na pagkalooban ng clemency si Veloso.

Ayon pa sa pangulo, naibaba na ang sentensya para sa overseas Filipino worker (OFW) mula sa sentensyang death penalty patungo sa life imprisonment.

MAKI-BALITA: Mary Jane Veloso, posibleng pagkalooban ng clemency – PBBM

Taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-ayos, at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.

Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.