November 21, 2024

Home BALITA National

Pacquiao sa balitang makakauwi na sa PH si Veloso: ‘Pinakinggan ang aming panalangin!’

Pacquiao sa balitang makakauwi na sa PH si Veloso: ‘Pinakinggan ang aming panalangin!’
Courtesy: Dating Senador Manny Pacquiao/FB

“Answered prayer” para kay dating Senador Manny Pacquiao ang balitang makakabalik na sa Pilipinas si Mary Jane Veloso, na sinentensyahan ng death penalty sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking. 

Matatandaang nitong Miyerkules, Nobyembre 20, nang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakauwi na sa bansa si Veloso, isang overseas Filipino worker (OFW), matapos ang mahigit isang dekadang pakikipag-usap sa pamahalaan ng Indonesia.

MAKI-BALITA: Nasentensyahang si Mary Jane Veloso, babalik na sa Pilipinas—PBBM

Kaugnay nito, sa isang Facebook post nitong Miyerkules ng gabi ay binalikan ni Pacquiao ang naging pagbisita nila ng kaniyang maybahay na si Jinkee sa Indonesia noong 2015 upang ipagdasal si Veloso.

National

Mary Jane Veloso, posibleng pagkalooban ng clemency – PBBM

“Totoo pala ang kasabihan na kapag may tiyaga, may nilaga,” ani Pacquiao sa kaniyang psot.

“Naalala ko pa noong July 10, 2015, pinuntahan namin ni Jinkee sa Indonesia si Mary Jane Veloso upang kumustahin at makiusap sa Indonesian government para hindi ituloy ang pagpataw ng kaparusahan na kamatayan sa kanya. Salamat at pinakinggan ang aming panalangin.”

Nagbigay rin ng mensahe si Pacquiao kay Marcos, at sinabing: “Maraming salamat, Pangulong Bongbong Marcos at natulungan mong makauwi si Mary Jane Veloso. God is good all the time.”

Matatandaang taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-ayos, at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.

Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.