December 23, 2024

Home BALITA National

Mary Jane Veloso, posibleng pagkalooban ng clemency – PBBM

Mary Jane Veloso, posibleng pagkalooban ng clemency – PBBM
Pangulong Bongbong Marcos at Mary Jane Veloso (file photo)

Hindi sinasara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang posibilidad na pagkalooban ng clemency si Mary Jane Veloso, ang Pinay na nakatakdang ilipat sa pasilidad ng Pilipinas matapos makulong nang mahigit isang dekada sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking. 

Matatandaang nitong Miyerkules, Nobyembre 20, nang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakauwi na sa bansa si Veloso, isang overseas Filipino worker (OFW), matapos ang mahigit isang dekadang pakikipag-usap sa pamahalaan ng Indonesia.

MAKI-BALITA: Nasentensyahang si Mary Jane Veloso, babalik na sa Pilipinas—PBBM

Matapos ang naturang anunsyo, sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, Nobyembre 21, ay nagpasalamat si Marcos sa pamahalaan ng Indonesia at maging sa mga naunang administrasyon ng Pilipinas na gumawa rin daw ng paraan para sa kaso ni Veloso.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ayon pa sa pangulo, naibaba na ang sentensya para sa overseas Filipino worker (OFW) mula sa sentensyang death penalty patungo sa life imprisonment.

“We have been working on this, all the previous presidents, hindi lang ako. 10 years na ito e. Ang nagawa natin, napa-commute natin iyong sentensiya niya from death sentence to life imprisonment tapos ang nasunod doon ay napauwi na natin. We will have to decide what will happen next,” aniya.

Nang tangungin naman kung bibigyan ng clemency si Veloso, ani Marcos: “We will see. Hindi pa maliwanag kung ano ba talaga ang—This is the first time this has happened.”

“Everything is on the table,” saad pa niya.

Matatandaang taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-ayos, at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.

Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.