Inaasahan ang maalinsangang panahon na may panandaliang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Nobyembre 21, dahil sa patuloy na epekto ng easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa public weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Benison Estareja na nagpapatuloy pa rin ang pag-ihip ng northeast monsoon o amihan na nagdudulot ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa lalawigan lamang ng Batanes.
Inaasahan namang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Babuyan Islands.
“Sa mga natitirang bahagi ng bansa, nandiyan pa rin ang mainit at maalinsangang panahon dahil pa rin sa easterlies o ang hanging galing sa Pacific ocean, na siyang sinasamahan din ng mga saglit na ulan at mga thunderstorms, kagaya na lamang sa Western Mindanao at Eastern Visayas," saad ni Estareja.
Sa kasalukuyan ay wala naman daw namamataan ang PAGASA na bagong cloud clusters na posibleng maging low pressure area (LPA) o bagyo hanggang sa matapos ang weekend.