November 21, 2024

Home BALITA

Hamon ni Mayor Francis kay Sen. Jinggoy: 'Tingnan natin tapang n'yo sa labas ng Senado!'

Hamon ni Mayor Francis kay Sen. Jinggoy: 'Tingnan natin tapang n'yo sa labas ng Senado!'
Photo courtesy: Mayor Francis Zamora (FB)/Senate of the Philippines website

May hamon si San Juan City Mayor Francis Zamora kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada matapos nitong magbitiw ng mga alegasyon tungkol sa paglobo raw ng "flying voters" sa nabanggit na lungsod, sa deliberation ng proposed 2025 budget ng Commission on Elections (Comelec) noong Nobyembre 8, 2024.

Batay raw sa mga dokumentong hawak niya, lumobo raw nang mas malaki ang 2022 national at local election registered voters ng San Juan City sa 32.13%, kung ihahambing daw sa mga karatig-lungsod gaya ng Pasig (3.75%) at Mandaluyong (1.33%).

Gayundin umano ang nangyari sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) voter registration na lumobo raw sa 42.46% noong 2023.

“If these issues will not be resolved, no other candidates from other parties will have the chance of being elected as public officials in San Juan," saad ni Estrada.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

"Wala nang pagkakataon dahil meron silang 30,000 flying voters,” dagdag pa niya.

Sa panayam naman ng media, pinabulaanan ni Zamora ang mga akusasyon laban sa kaniya ni Estrada.

Giit ng alkalde, hindi raw niya kailangan ng 30,000 flying voters para manalo sa halalan. Hinamon niya ang senador na minsan na ring naupong mayor ng San Juan City na mag-file ng exclusion complaint sa korte para patunayan ang mga paratang na ito.

"Muli, hinahamon ko si Senator Jinggoy Estrada na mag-file kayo ng exclusion sa korte. Huwag kayong magtago sa inyong parliamentary immunity sa Senado," anang alkalde.

"Kung matapang kayo sa Senado, tingnan natin ang tapang n'yo sa labas ng Senado," giit pa niya.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Sen. Estrada tungkol dito.