Tila may agam-agam pa rin daw ang pamilya ni Mary Jane Veloso sa nakatakdang paglipat nito ng kulungan mula Indonesia pabalik ng Pilipinas, dahil umano sa death threat na kanilang natanggap noon mula sa illegal recruiter nito.
Sa panayam ng Unang Balita sa Unang Hirit nitong Huwebes, Nobyembre 21. 2024, inamin ng mga magulang ni Mary Jane na sina Caesar at Celia Veloso na hindi raw nila makalimutan ang sinabi ng illegal recruiters ni Mary Jane na si Kristina Sergio tungkol sa banta nito dahil may kaugnayan umano sila sa international syndicates.
“Huwag po kayong maingay tatay, nanay, dahil kami international na sindikato. ‘Kayang-kaya namin ilabas ‘yan kasi magbabayad kami ng limang milyon, huwag lang kayong lalapit sa mga matataas na tao,’ yun po talaga ang binitiwan po sa amin,” saad ni Caesar Veloso.
Patuloy din ang panawagan ni Celia na ilagay daw sana sa mas ligtas na kulungan ang kaniyang anak dahil sa banta sa seguridad ni Mary Jane.
“Kapag ka nilipat po nila dito sana sa safe na lugar po nila dalhin, yung po talagang safe po siya at wala po kaming pinangangambahan,” ani Celia.
Matatandaang noong Huwebes, Nobyembre 20, nang kumpirmahin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na maaari na raw mailipat ng kulungan si Mary Jane, matapos ang pagpapahintulot ng Indonesian government.
KAUGNAY NA BALITA: Nasentensyahang si Mary Jane Veloso, babalik na sa Pilipinas—PBBM
Si Mary Jane ay nakulong sa Indonesia noong 2010 matapos siyang mahulihan ng ilegal na droga dahil umano sa kaniyang illegal recruiters.
KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Ang timeline ng 14 taong death row sentence ni Mary Jane Veloso
Bagama’t masaya at puno raw ng pasasalamat si Caesar, hindi pa rin daw niya maiwasang matakot para sa magiging kalagayan ng kaniyang anak pagbalik sa Pilipinas.
“Natatakot pa rin po kami dahil yun nga po yung binitawang salita sa amin eh, kaya natatakot po kami,” anang ama ni Mary Jane.
Taong 2015 nang sumuko sa mga awtoridad si Sergio dahil may banta raw sa kanilang seguridad, dulot ng kinasangkutang mga reklamo.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang Palasyo at iba pang ahensya ng pamahalaan hinggil sa umuugong na tagilidad na seguridad ni Mary Jane oras na maibalik siya sa Pilipinas.
Kate Garcia