January 23, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Pinay na tumulong sa estranghero, nakatanggap ng higit ₱2.9 milyon!

Pinay na tumulong sa estranghero, nakatanggap ng higit ₱2.9 milyon!
Photo courtesy: Screenshots from Jimmy Darts (FB)

Isang nakaaantig na video ng "act of kindness" na naganap sa Arizona, USA ang naging viral online, kung saan makikita ang kabutihang-loob ng isang Pilipina.

Si Lani Benavidez, na mula sa Naic, Cavite at ngayon ay nakatira sa Chandler, Arizona, ay napabilang sa isang social experiment noong Oktubre 1.

Sa viral Facebook video, mapapanood si Jimmy Darts, isang social media influencer sa Arizona, na nilapitan si Benavidez at kunwari ay humihingi ng tulong dahil hindi pa raw siya kumakain buong araw. Nang makiusap siya sa Pinay na tulungan siya para makabili ng kahon ng cereal, agad na nagbigay si Benavidez ng $2 (mga ₱117).

Hindi alam ni Benavidez na siya ay bahagi na pala ng isang social experiment.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Pagkatapos, ibinigay ni Darts ang kahon ng cereal na naglalaman ng $1,000 (mga ₱58,620), dahilan para magulat at maiyak si Benavidez.

Ibinahagi niya ang mga pagsubok na kaniyang dinaranas, lalo na ang hirap na dulot ng kalagayan ng kaniyang asawang may kanser na nasa ospital.

Dahil sa kuwento ni Benavidez, naglunsad si Darts ng isang  fundraising campaign na agad umani ng maraming suporta.

Sa isang follow-up na video, bumalik si Darts sa lugar kung saan nagtatrabaho si Benavidez sa Dollar Tree at ibinigay ang $50,000 (mga ₱2.9 milyon) mula sa mga nalikom na donasyon.

Hanggang ngayon, umabot na sa $93,000 (mga ₱5.4 milyon) ang naipon mula sa mga donasyon, at patuloy pa ang pagpasok ng pera sa bank account ni Benavidez.

"Every day may pumapasok sa bank account ko hanggang ngayon... I am grateful kasi hindi kami pinababayaan ng Diyos," pahayag ni Benavidez.

Sa ulat ng ABS-CBN News, nakapanayam nila ang anak ni Lani na si Kyle Benavidez. Ito raw ay lubhang naiyak sa kagalakan sa ginawa ng kaniyang ina maging sa kabutihang-loob ng mga nagbigay ng donasyon sa kanilang pamilya.

"Watching my mom in one of Jimmy's videos made me cry a lot and feel that there are still beautiful people in the world." aniya.

Tinanong din siya tungkol sa pinakamahalagang aral na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.

"Whatever your feelings are, always be courteous to others and help them since you never know who will help you in return.” aniya pa.

Mariah Ang