January 23, 2025

Home BALITA

Naghahanap na ba ang lahat? Pagkatao ni Mary Grace Piattos, palaisipan pa rin!

Naghahanap na ba ang lahat? Pagkatao ni Mary Grace Piattos, palaisipan pa rin!
Photo courtesy: Pexels

Tila mabilis na pinatulan ng ilang netizens ang paghahanap sa umano’y “Mary Grace Piattos,” kung saan inanunsyo ng ilang mambabatas na may nakahanda raw na ₱1M para sa makapagtuturo ng lokasyon at pagkakakilanlan nito.

Hindi raw kasi kumbinsido ang House Committee on Good Government and Public Accountability, sa paglutang ng signatory ng halos mahigit 1,200 umanong resibong pirmado ng isang Mary Grace Piattos na ipinasa ng Office of the Vice President sa Commission on Audit (COA) upang mapatunayan lang daw ang pinagkagastusang ₱125M expenditures ng OVP.

Matatandaang na-kuwestiyon noong Nobyembre 5, 2024 ng nasabing komite ang acknowledgement report na ipinakita ng OVP hinggil sa liquidation reports kaugnay pa rin ng umano’y ₱23.8M confidential funds ng OVP kasama ang Department of Education na nasa ilalim noon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte bago niya bitawan ang pagiging kalihim ng nasabing sector.

Para kay House deputy minority leader and ACT Teachers party-list Rep. France Castro, hindi raw maaaring pagkatiwalaan ang OVP kung hindi umano nito kayang magpresenta ng totoong tao tungkol sa kanilang transaksyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“This is a clear case of fraud and misuse of public funds. How can we trust the Office of the Vice President when they cannot even present real people who supposedly received these confidential funds?” saad ni Castro.

Sa mga nagdaang pagdinig ng komite, bagama’t nakapangalan na tinatanggap ng isang “Mary Grace Piattos” ang mga resibo, bigo pa rin ang kongreso na mapadalo ito, kung ito man ay totoong tao.

Nanindigan si Zambales Rep. Jefferson Khonghun na gawa-gawa lang daw ang pangalang ito at muling iginiit na may ilalabas na raw silang pabuya sa makakatulong daw sa kanila na matukoy ang pagkatao ni Mary Grace Piattos.

“Ang sinasabi ng Office of the Vice President, totoo si Mary Grace Piattos… Kasi hindi kami naniniwala na totoong may Mary Grace Piattos… So kung sino ang makakatulong sa amin para mahanap si Mary Grace Piattos, handang magbigay ng pabuya ang mga congressman,” saad ni Khonghun.

Malakas din daw ang paniniwala ni House Assistant Majority Leader Rep. Amparo Maria Zamora na peke lang ang pangalan at katauhan ni Mary Grace Piattos at sinabing baka umano naimbento ito habang kumakain ng “Mary Grace” at “Piattos.”

“Ito tinitignan ko ngayon, Piattos talaga e. I guess wala na silang maisip na pangalan… Baka kumakain siya noong panahon na ‘yun noong ginawa niya sa Mary Grace. Or kumakain siya ng Mary Grace at Piattos,” anang mambabatas.

Samantala, kasunod nito, tila kaniya-kaniyang entry naman ang netizens upang matukoy nga raw si Mary Grace Piattos.

“Tatay nya si Mr. Chips, lola nya si Granny Goose.”

“Hinango pa sa favorite na chichiria niya.”

“Ito ata yung last resto you ate at + last junkfood you ate = your new name."

“Kapatid ni Nova at Tortillos.”

“Hindi kaya sya yung may-ari ng chichirya na piattos?”

“Mahilig Kasi si VP Kumain sa Mary grace at paborito niyang chitchriya ay piattos.”

Ayon kay Committee chairperson Rep. Joel Chua, nakahanda naman daw silang sumangguni sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang malinawan sa record ni Mary Grace Piattos.

Kate Garcia