November 20, 2024

Home BALITA

BALITAnaw: Ang timeline ng 14 taong death row sentence ni Mary Jane Veloso

BALITAnaw: Ang timeline ng 14 taong death row sentence ni Mary Jane Veloso
Photo courtesy: Manila Bulletin, AP News/ File photo

Matapos ang halos 14 taong bangungot sa buhay ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Jane Veloso, kumpirmado na nitong Miyerkules, Nobyembre 20, 2024 na maaari na siyang makabalik ng Pilipinas matapos masintensyahan ng kamatayan sa Indonesia noong 2010.

 KAUGNAY NA BALITA: Nasentensyahang si Mary Jane Veloso, babalik na sa Pilipinas—PBBM

Matatandaang taong 2010 nang umuwi sa Pilipinas si Veloso mula Dubai, sa pag-asang makatatakas na siya sa mapait na dadanasin niya bilang isang OFW nang pagtangkaan umano siyang gahasain ng kaniyang amo.

2010

VP Sara, nagsalita na patungkol sa misteryo ni Mary Grace Piattos

Matapos ang nasabing pag-uwi ni Veloso sa Nueva Ecija mula Dubai noong Enero 2010, Abril 18 nang naturang taon nang ialok sa kaniya ni Kristina “Tintin” Sergio ang umano’y pagiging domestic worker sa bansang Malaysia.

Lingid sa kaalaman ni Veloso, ito na pala umano ang bitag na inihain sa kaniya ni Sergio na isa raw pa lang illegal recruiter.

Abril 22, 2010 nang lumipad sina Veloso at Sergio papuntang Malaysia, ngunit hindi na raw bakante ang trabahong dapat para sa una, ay kay Mary Jane, ngunit pinangakuan daw siya ni Sergio na makakahanap pa ito ng kapalit na trabaho para sa kaniya, sa lalong madaling panahon.

Hinimok din umano ni Sergio na magbakasyon muna sa Indonesia si Veloso habang naghahanap pa siya ng trabahong maaari nitong balikan matapos ang pitong araw.

Abril 25, 2010 nang matimbog sa Adisucipto International Airport in Yogyakarta, Indonesia si Veloso matapos siyang mahulihan ng 2.6kg na heroin.

Habang Abril 27, naman nang kumustahin pa raw ng pamilya ni Mary Jane si Tintin na nakabalik pa ng Pilipinas kung saan sinabi umano nito na maayos at mabait daw ang employer ni Mary Jane.

Ilang araw pa ang lumipas, Mayo 12, 2024 nang tuluyan na raw malaman ng pamilya Veloso ang sinapit ni Mary Jane sa Indonesia, matapos niyang sabihin ang kaniyang sinapit sa pamamagitan ng text message.

Nagawa pa raw na pagbantaan ni Tintin ang pamilya Veloso, matapos siyang komprontahin ng mga ito at tinakot na malalagay lang daw sa panganib si Mary Jane kapag nagsumbong ang mga ito sa media at sa awtoridad.

Agosto 2010 nang magpasya na raw ang pamilya Veloso na humingi ng tulong sa gobyerno at sinabi ang nangyari kay Mary Jane matapos siyang mabiktima ng illegal recruiter.

Oktubre 4, nang tuluyang umusad ang kaso ni Mary Jane at sinentensyahan siya ng habambbuhay na pagkakakulong sa Indonesia, ngunit ilang araw lamang ng ibaba ang hatol sa kaniyang death penalty.

2011

Mag-iisang taon matapos mahatulan ng death penalty, Agosto 23, 2011 sumulat ng clemency si noo’y dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kay dating President Susilo Bambang Yudhyono, upang iapela ang kaso ni Veloso, ngunit hindi ito pinagbigyan.

2014

Tuluyang ibinasura ng Indonesian government noong Disyembre 30, 2014 ang clemency ni PNoy matapos ang pagkakaluklok noon kay Indonesian President Joko Widodo.

2015

Muling sumulat ng clemency si PNoy sa Indonesian government noong Abril 22, 2015 habang personal namang lumipad patungong Indonesia si noo’y Vice President Jejomar Binay upang personal na umapela sa kaso ni Mary Jane.

Abril 25, nang ilipat na si Mary Jane sa isang prison cell sa Nusakambangan bilang paghahanda sa firing squad execution sa kaniya.

Isang araw bago ang tuluyang pagbitay kay Veloso, isinuplong ni Sergio ang kaniyang sarili sa mga awtoridad kasama pa ang isa pang illegal recruiter.

Habang huling 11 oras bago ang nakatakdang firing squad execution, ikinansela ni Widodo ang pagbitay kay Veloso matapos siyang makonsidera bilang witness laban sa West African Drug Syndicate.

2016

Habang taong 2016 naman, sa ilalim ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ilang local news outlet mula sa Jakarta ang umano’y nagbalita na nagbigay daw ito ng “go-signal” kay Widodo upang ituloy na lang daw ang naturang execution kay Mary Jane.

2018

Enero 10, 2018, sabay sa pagdiriwang ni Mary Jane ng ika-33 kaarawan, humingi raw ito ng tulong kay FPRRD upang makatestigo siya laban sa kaniyang illegal recruiter.

2020

Enero 30, 2020 naman nang tuluyang masentensyahan sina Sergio sa “large scale illegal recruitment” nito sa tatlo pang Pinay.

2022

Muling nagkaroon ng pag-asa ang pamilya Veloso, sa pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na nangako noong Agosto 31, 2022 na uungkatin niya ulit ang kaso ni Veloso nang magsagawa siya ng state visit sa Indonesia.

2024

Enero 11, 2024 nang makatanggap daw si PBBM ng mensahe mula kay Widodo at sinabing nakahanda raw nilang muling pag-aralan ang kaso ni Veloso sa kanilang bansa.

Inabot man halos ng tatlong Pangulo ng Pilipinas, tuluyang nagkaroon ng pag-asa ang nakabimbing kaso ni Mary Jane sa Indonesia, nang magdesisyon ang Indonesian government na ngayo’y nasa ilalim ng pamumuno ni Prabowo Subianto na payagang mailipat ng kulungan pabalik ng bansa ang Pilipina.

Ayon kay Indonesian Minister Yusril Ihza Mahendra, nasa jurisdiction na ng Pilipinas ang magiging desisyon sa magiging hatol nito sa kaso ni Veloso.

“The responsibility for their rehabilitation rests with that country, including decisions on whether to grant remission or clemency, all of these decisions are handed over to the respective country,” ani Yusril sa isang press release kamakailan.

KAUGNAY NA BALITA: Mary Jane Veloso, may tsansang mailipat na ng kulungan sa Pilipinas

Nagpasalamat naman ang ama ni Mary Jane na si Cesar Veloso kay PBBM, sa mga abogado, sa media, at sa lahat ng mga taong tumulong sa kanila kaugnay ng kasong hinarap ng kanilang pamilya sa loob ng 14 taon.

KAUGNAY NA BALITA: Tatay ni Mary Jane Veloso, nagpasalamat kay PBBM: 'Natugunan na aming kahilingan!'

Kate Garcia