Matagumpay ang pagbabalik-tambalan nina Kapuso Star at "Asia's Multimedia Star" Alden Richards, at Kapamilya Star at "Outstanding Asian Star" na si Kathryn Bernardo sa sequel ng "Hello, Love, Goodbye" na "Hello, Love, Again."
Sinong mag-aakalang ang dalawang pinakamatatagumpay na pelikula sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino ay pinagbidahan ng dalawang A-listers ng dating magkaribal na TV network at movie outlet sa bansa? Tila imposible kasi itong mangyari dahil sa tinatawag na "network war."
Kasunod ng matagumpay ng tambalan nina Kapusyo actor at “Pambansang Bae” Alden Richards at “Box office queen of her generation” Kathryn Bernardo sa Hello, Love, Goodbye at Hello, Love, Again, balikan ang iba pang tambalan ng naturang dalawang media giants sa bansa.
Bago pa man tumabo sa takilya ang tambalan ng “KathDen,” marami na ring pagkakataong nagsama sa pelikula ang isang Kapamilya at Kapuso. Narito ang ilan pa sa mga pagtatambal o “collab” ng dalawang magkaribal na network sa bansa pagdating sa pelikula.
Isa sa mga naunang nagpakilig sa mga manonood noon ay ang crossover ng tambalan ni noo’y Kapuso actor Richard Gutierrez at Kapamilya actress KC Concepcion para sa pelikulang “For the First Time,” noong 2008.
Ang ‘For the First Time,” ay isang romantic film na tungkol sa kuwento ng pag-iibigan ng dalawang young professionals na may kaniya-kaniyang hinaharap na hamon sa kanilang personal at propesyonal na buhay sa ilalim ng Star Cinema ng ABS-CBN.
Kasunod ng matagumpay na onscreen tandem nina Richard at KC, isa pang pelikula ang inihandog ng GMA Pictures noong 2009 na may pamagat na “When I Met You,” tampok ang kuwento ng pag-iibigan ng isang businessman at ordinaryong babae na aksidenteng pinagtagpo ng pagkakataon.
Sino nga ba ang makakalimot nang pagsamahin sa isang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry sina Enteng Kabisote star Vic Sotto at Queen of Comedy Ai Ai Delas Alas?
Taong 2011 nang magsama sa isang pelikula sina Vic at Ai Ai para sa “Enteng ng Ina Mo,” isang sequel ng MMFF blockbuster hit na Enteng Kabisote kasama ang character na si “Ina Montecillo,” mula sa pelikulang Tanging Ina.
Hindi rin inasahan ng publiko ang pagsasama sa iisang pelikula nina Kapuso comedian Michael V. at batikang Kapamilya aktres na si Dawn Zulueta para sa isang comedy-drama na “Family History.”
Taong 2019 nang ihandog ng GMA Pictures ang Family History na pinagbidahan nina Bitoy at Dawn bilang mag-asawa. Tampok sa naturang pelikula ang kuwento ng isang pamilyang humarap sa hamon ng buhay dulot ng sakit at tukso.
Marami rin ang kinilig nang magsama sa big screen si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Kapamilya host at aktres na si Anne Curtis para sa pelikulang Sid and Aya: Not a Love Story.”
Taong 2018 nang pagbidahan ng dalawa ang “Sid and Aya: Not a Love Story” isang pelikulang nagtampok sa kuwento ng dalawang indibidwal na minsang pinagtagpo at pinagbuklod ng pareho at magkaibang pangangailangan nila sa buhay.
Hindi rin insahan ng fans ang tambalan nina Kapamilya actor Carlo Aquino at Eat Bulaga host Maine Mendoza para sa kanilang pelikula noong 2019 na “Isa Pa with Feelings.”
Umikot ang kuwento ng “Isa pa with Feelings” tungkol sa pag-iibigan nina Gali (Carlo) at Mara (Maine), habang hinaharap ang pagkakaiba nila dulot ng kapansanan na mayroon ang karakter ni Carlo Aquino.
Sa kakaibang pelikula naman naitmapok ang tambalan nina Kapamilya actor Gerald Anderson at Kapuso actress Kylie Padilla para sa pelikulang “Unravel: A Swiss side love story” noong 2023. Nakasama rin ang nabanggit na pelikula sa line-up noon para sa kauna-unahang Metro Manila Summer Film Festival.
Mula sa Switzerland, ipinakita ng naturang pelikula ang kwento ng mga taong may dinaranas sa kanilang mental health at kung paano ang estado ng programa ng nasabing bansa, para sa mga indibidwal na nagnanais nang kitilin ang sarili nilang buhay.
Ilan lamang ito sa mga tambalang pinagbidahan ng ilang mga bituin mula sa Kapuso at Kapamilya Networks. Sa kasalukuyan, tuluyan na ngang umarangkada ang love team “KathDen,” para sa HLA na mayroon ng ₱500M grossing mula sa ulat ng GMA News noong Nobyembre 19, 2024.
Kate Garcia