Nakiusap sa publiko ang bandang Aegis na huwag paniwalaan ang mga kumakalat na pekeng balita kaugnay sa namayapang si Mercy Sunot na isa sa kanilang lead vocalists.
Sa Facebook post ng banda nitong Miyerkules, Nobyembre 20, itinanggi nilang gumagamit si Mercy ng anomang bisyo.
“Hindi po siya gumagamit ng anumang bisyo, at siya ay hindi naninigarilyo o umiinom. Wala rin pong anumang panayam na ibinigay si Juliet na naglalaman ng mga pahayag laban sa kanyang kapatid,” pahayag ng Aegis.
“Nais po naming humiling ng respeto, hindi lamang para kay Mercy, kundi pati na rin para sa kanyang pamilya. Isipin po sana natin ang bigat ng epekto ng ganitong mga maling balita,” anila
Dagdag pa ng banda, “Sa paghahangad ng atensyon at ‘clicks,’ nawawala po ang paggalang sa dignidad ng mga yumao.”
Sa huli, hiniling ng Aegis na sana raw ay magsilbing pagkakataon ito para sa lahat upang makapagmuni-muni at maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon.
“Maraming salamat po sa inyong pang-unawa,” pahabol nila.
Matatandaang pumanaw si Mercy noong Lunes, Nobyembre 18, matapos makipaglaban sa malulubhang sakit tulad ng breast cancer at lung cancer.
MAKI-BALITA: Mercy Sunot ng Aegis, pumanaw na
MAKI-BALITA: BALITAnaw: Ang karera ni Mercy Sunot at ang musika ng Aegis