Para kay Senador Robin Padilla, maaaring maging pangulo ng Pilipinas sina Senate President Francis Escudero, Senador Koko Pimentel at Senador Raffy Tulfo dahil umano sa kanilang “kakayahan.”
Sa isang Facebook post, nagbahagi si Padilla ng isang larawan nina Escudero, Pimentel, at Tulfo sa Senado.
“Dito sa aming bahay o bulwagan, 3 ang palaban na senador: Senate President Francis Escudero, Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., Senate idol Raffy Tulfo,” ani Padilla sa kaniyang post.
“Tatlong maaaring maging Pangulo ng Pilipinas. Hindi sa usapin ng kasikatan kundi kakayahan,” dagdag niya.
Samantala, makalipas ang ilang minuto ay nag-iwan din si Padilla ng pahayag sa comment section ng kaniyang post at sinabing ang naturang iminungkahi raw niya sa kaniyang post ay sa loob lamang ng Senado, at nakasalalay raw kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang kaniyang susuportahan sa pagkapangulo.
Sinabi rin ni Padilla na una umano lagi sa kaniyang listahan ang anak ng dating pangulo na si Vice President Sara Duterte.
“Usaping Political party at pangkalahatan, Kung Sino po ang nais ni Supremo FPRRD na maging Pangulo yan po ang ating susuportahan. Siempre una sa listahan lagi si VP Inday Sara Duterte,” ani Padilla sa comment section ng kaniyang post.
“Ang iminungkahi ko po sa post ko po ay sa loob po ng aming bahay at bulwagan ay may mga Presidentiable,” saad pa niya.
Inaasahang gaganapin ang susunod na eleksyon para sa pagkapangulo sa 2028. Habang isinusulat ito’y wala pa namang nag-aanunsyong ng kanilang pagnanais na tumakbo sa naturang pinakamataas na posisyon sa bansa.
Samantala, base sa inilabas ng survey ng non-partisan public opinion firm na WR Numero nitong Lunes, Nobyembre 18, nanguna sina VP Sara at Sen. Tulfo sa listahan ng mga potensyal na presidential bets na iboboto umano ng mga Pilipino kung ngayon isasagawa ang 2028 national elections.
MAKI-BALITA: VP Sara at Sen. Raffy, nanguna sa survey para sa pagkapangulo ng ‘Pinas