Eksklusibong inilatag ng negosyante, TV host, at Tutok to Win party-list representative na si Sam Verzosa ang kaniyang mga plano, plataporma, at mga hakbang sa kaniyang pagtakbo bilang alkalde ng Maynila, sa harapan ng mga manunulat at editors ng Manila Bulletin at Balita, Lunes, Nobyembre 19.
Isa-isang sinagot ni Verzosa ang iba't ibang mga tanong patungkol sa kaniyang pagnanais na tumakbo sa pagka-mayor ng Maynila, at banggain ang incumbent Manila City mayor na si Dra. Honey Lacuna, at dating yorme nitong si Isko "Moreno" Domagoso.
Aniya, laking Maynila siya kaya alam niya ang mga dati na raw problema ng lungsod na hanggang ngayon ay hindi pa rin daw nasosolusyunan.
Bilang isang negosyante, naniniwala raw siyang kaya niyang mapaunlad ang Maynila na kabisera pa naman ng Pilipinas at nararapat lamang na maging "standard city" ng mga lungsod at bayan sa buong bansa, subalit sa kasamaang-palad daw, hindi ito nangyayari, idagdag pa ang pag-label sa Maynila bilang "worst city" kamakailan.
Naniniwala si Verzosa na sapat ang kakayahan niya bilang negosyante, mambabatas, at nakapag-aral na rin para masolusyunan ang mga problema ng mga Manilenyo, pagdating sa edukasyon, healthcare, at livelihood. Ang tatlong ito ay bitbit ng kandidato na tututukan daw niya sakaling maupo siya bilang mayor ng Maynila.
Isa pa, nais niyang palakasin ang Maynila bilang pangunahing tourist spot ng bansa, dahil sa iba't ibang makasaysayang lugar dito na sad to say, tila hindi raw nabibigyan ng highlight. Isa sa mga nabanggit na halimbawa ni Verzosa ay ang Intramuros, kung saan, marami raw sa mga bahagi nito ang tila napabayaan na, at ang ilang mga kalye na sana raw ay nadadaanan at napapasyalan, hindi ma-access ng mga turista.
Pagdating naman sa sektor ng edukasyon, palalakasin daw ni Verzosa ang livelihood ng mga magulang para mahikayat ang mga mag-aaral na pumasok sa pampublikong paaralan, na kung tutuusin ay libre naman; ang problema, marami ang hindi na lamang pumapasok dahil kulang o walang baon.
Pagdating sa pagpopondo para sa kaniyang kampanya, ipinagdiinan ni Verzosa na walang mga negosyante o kompanyang magiging backer niya. Lahat daw ng kaniyang mga gagastusin ay manggagaling sa kaniyang sariling pera. Ito raw ay upang maiwasan ang pagkakaroon ng utang na loob sa mga taong may malalakas na impluwensya sa lipunan, na puwede aniyang pagmulan ng korapsyon.
Aminado rin si Verzosa na bago siya sumabak sa pagtakbo bilang Manila mayor ay kumonsulta muna siya sa kaniyang life partner na si Kapuso actress Rhian Ramos, na para sa kaniya, ay nakikita na niyang "The One."
KAUGNAY NA BALITA: Sam Verzosa, may go signal ba kay Rhian Ramos bago tumakbong Manila mayor?
Naniniwala raw kasi siyang kailangang isangguni ang taong nakikita niyang makatutuwang niya sa buhay sa malapit na hinaharap.
KAUGNAY NA BALITA: Sam Verzosa, nakikita na bang 'The One' ang partner na si Rhian Ramos?
Sa kabuuan, naniniwala si Verzosa na hindi siya nasiyahan sa mga nagdaang administrasyon sa Maynila, kaya narito na siya ngayon, bitbit ang karanasan sa serbisyo-publiko bilang party-list representative at negosyante, para lumikha ng malaking pagbabago sa kapital ng Pilipinas.
Mensahe niya sa mga Manilenyo, "Mga kababayan ko, buksan n'yo isipan n'yo. Pag-aralan n'yo. Kung iniisip n'yo ang pamilya ninyo, anak n'yo, magulang mo, kung gusto mo ng pagbabago, sumubok tayo ng iba. Alamin n'yo 'yong ginawa ko, ipagkumpara mo, kung sa tingin mo okay ka na sa dati, okay lang naman, pero kung gusto mong may pagbabago, kung gusto mo 'yong plataporma at mga gagawin natin, sana sumubok tayo ng bago."