December 26, 2024

Home BALITA

Mahigit 400 pamilya sa isang barangay sa Biñan, mag-iisang buwan na sa evacuation center

Mahigit 400 pamilya sa isang barangay sa Biñan, mag-iisang buwan na sa evacuation center
Photo courtesy: Screenshots from ABS-CBN News

Nananatili pa rin daw sa evacuation center ang nasa higit 400 pamilya sa Barangay Dela Paz sa Biñan, Laguna, dahil hindi pa sila makabalik sa kani-kanilang mga tahanan dahil lubog pa rin sa baha ang kanilang lugar.

Sa ulat ng ABS-CBN News na inilathala, Lunes, Nobyembre 18, mula raw nang ilikas ang mga residente noon pang bagyong Kristine, hanggang sa pananalasa naman ni Pepito ngayong buwan ng Nobyembre, ay hindi na sila nakaalis sa tinutuluyang pampublikong paaralan na ginawang evacuation site, ang Dela Paz Main Elementary School.

Ilang pamilya ang natutulog sa pasilyo ng paaralan habang isang buntis naman ang naabutan na rito ng panganganak.

Sa panayam sa isang residente, sinabi niyang madalang daw ang pagdating ng ayuda para sa kanila, kaya naman kaniya-kaniya na silang luto ng pagkain sa pamamagitan ng sariling LPG at kalan. Hindi rin daw sila makatulog nang maayos dahil sa alanganin nilang kalagayan, lalo't kailangan din nilang bantayan ang kanilang mga gamit.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 4.8

Umaasam ang nakapanayam na makababalik na sila sa kani-kanilang mga tahanan bago mag-Pasko.

Kung bibisitahin naman ang social media account ni Atty. Walfredo "Arman" R. Dimaguila Jr., mayor ng Biñan, makikita ang puspusan at aktibong rescue at relief operations ng kaniyang team para sa mga residenteng apektado ng bagyo at baha.

Ayon naman sa Facebook posts ng City of Biñan Disaster Risk Reduction and Management Office - BinanC3 noong Linggo, Nobyembre 17, talaga raw hindi pa humuhupa ang baha sa Barangay Dela Paz at iba pang barangay, ngunit tinitiyak daw ng nina Mayor Dimaguila at Lone District of Biñan Rep. Marlyn "Len" B. Alonte-Naguiat na nasa ligtas na lugar ang bawat pamilya kung mananalasa si bagyong Pepito.

Saad pa nila sa isa pang Facebook post, "ICYMI: Maigi nang HANDA, kasya MABIGLA! Ang Biñan ay talagang pinalulubog ng matinding flashflood, kaya nalulubog ng ilang araw at buwan sa baha ang mga Barangay ng San Jose, Dela Paz at Malaban."

"Buo ang pwersa ng ating RESCUE TEAM magmula sa Team Alpha hanggang Team Foxtrot upang ipadala sa ibat ibang barangay kanina na tukoy na may pagbaha," dagdag pa.

Noong Lunes, Nobyembre 18, ibinahagi pa rin nila sa Facebook post ang isinagawang mandatory at forced evacuation sa isang sitio, sa pangunguna ni Punong Barangay ng Dela Paz Kap. Gino Guico, ayon na rin sa atas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nakipag-ugnayan ang Balita kay Mayor Dimaguila subalit wala pa siyang tugon tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.