Opisyal nang nagsimula ang panahon ng northeast monsoon o “Amihan season” sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Nobyembre 19.
Sa isang pahayag, sinabi ng PAGASA na sa mga nagdaang araw ay lumakas na ang “high pressure area” sa Siberia, na nagdudulot ng strong surge ng northeasterly winds, na inaasahan namang makaaapekto sa hilagang bahagi ng Luzon simula ngayong Martes at bukas ng Miyerkules, matapos ang pagdaan ng Super Typhoon Pepito.
Inaasahan din daw ang mga susunod pag-akyat ng northeasterly winds sa susunod na dalawang linggo, na nagdudulot ng pagtaas ng atmospheric pressure at paglamig ng surface air temperature sa hilagang bahagi ng Luzon.
“The development of these meteorological patterns indicate the Onset of the Northeast Monsoon (Amihan) season,” anang PAGASA. “With these developments, the northeasterly wind flow is expected to be more dominant in most of the country, bringing cold and dry air.”
“Episodes of wind and cold temperature surges, as well as increasing prevalence of rough sea conditions, especially over the seaboards of Luzon are also expected in the coming months,” dagdag nito.
Inabisuhan din ng weather bureau ang publikong manatiling nakaantabay sa kanilang update hinggil sa magiging lagay ng panahon sa bansa.