November 18, 2024

Home SHOWBIZ

Sam Verzosa, nakikita na bang 'The One' ang partner na si Rhian Ramos?

Sam Verzosa, nakikita na bang 'The One' ang partner na si Rhian Ramos?
Photo courtesy: Rhian Ramos (IG)

Diretsahang sinagot ng negosyante, TV host, at Tutok to Win party-list representative na si Sam Verzosa kung para sa kaniya, ang kasalukuyang partner na si Kapuso actress Rhian Ramos na ang nakikita niyang magiging "The One" o babaeng pakakasalan at magiging katuwang niya sa hinaharap.

Eksklusibong nagpaunlak ng panayam si Verzosa sa mga manunulat at editors ng Manila Bulletin at Balita, Lunes, Nobyembre 18, at dito nga ay isa-isa niyang sinagot ang mga tanong sa kaniya, magmula sa desisyon niyang sumabak sa politika, mga balak, plataporma, at hakbang para sa mas maunlad at maayos na Maynila, hanggang sa mga taong naging inspirasyon at nagtulak para sa kaniya upang kalabanin ang kasalukuyang mayora ng Maynila na si Dra. Honey Lacuna, at ang dating alkalde at nagbabalik na si Isko "Moreno" Domagoso.

Natanong ang Manila mayor candidate kung sumangguni ba muna siya sa kaniyang jowang si Kapuso actress Rhian Ramos, dahil pihadong mababago ang dynamics ng kanilang relasyon kung magiging hands on na siya sa pamamahala sa kabisera ng Pilipinas, kung sakaling papalarin siya.

"Siyempre po meron, she's my partner in life. I really consulted this decision sa kaniya," aniya.

BALITAnaw: Ang karera ni Mercy Sunot at ang musika ng Aegis

Saad pa niya, marami pa raw siyang ikinokonsulta kay Rhian bukod pa sa pagsabak niya sa politika, dahil naniniwala raw siyang kailangang konsultahin ang lifetime partner lalo na sa major decisions.

"Kaya nga siya 'yong partner mo eh, kasi nakita mo sa kaniya 'yong mga values, qualities... and I believe in her values, mga character niya, pagkatao niya," aniya.

Aligned din umano ang kanilang mga purpose at objectives, pareho daw sila ng mga gusto.

Isa pa, ayaw raw ni Rhian sa politics kaya minabuti niya munang kumonsulta sa kaniya dahil ayaw niyang magalit ito sa kaniya.

Sinabi raw niya kay Rhian na palagay niya ay dinadala siya ng tadhana sa pagtakbo bilang mayor at humawak ng executive position, kaysa raw sa party-list na medyo may katagalan daw kapag nagpapasa ng batas.

"Actually, siya 'yong pinakaimportanteng go signal, bago ako nagdesisyon," pahabol pa ni Sam. "Kasi kailangan 'yong taong makakasama mo will give you peace of mind and support sa gagawin mo. So kung wala 'yon, baka mahirap magdesisyon."

At dahil dito, diretsahan nang natanong ng Balita si Sam kung para sa kaniya ba, si Rhian na ang "The One."

"Yes, sana po, sana po," natatawang sabi ni Sam, "God willing. Kung sino 'yong kasama natin ngayon, mahal natin, sana siya po."

Going back naman sa mga naibahagi niya patungkol sa pagtakbo niya, ayon kay Verzosa, tatlong bagay ang bibigyan niya ng pokus sa kaniyang kandidatura: edukasyon, healthcare, at livelihood. Ito raw ang kinakailangan talaga ng mga Manilenyo para mai-angat ang mga sarili nila, kagaya ng ginawa niya sa kaniyang sarili na lumaki raw sa hirap subalit nagsikap. Ito raw ang kuwentong nais niyang itaguyod din sa mga taga-Maynila.

Pagdating sa pagpopondo para sa kaniyang kampanya, ipinagdiinan ni Verzosa na walang mga negosyante o kompanyang magiging backer niya. Lahat daw ng kaniyang mga gagastusin ay manggagaling sa kaniyang sariling pera.

KAUGNAY NA BALITA: Sam Verzosa, may go signal ba kay Rhian Ramos bago tumakbong Manila mayor?