November 18, 2024

Home BALITA National

Pagliban ni VP Sara sa House comm hearing, 'budol style' ayon sa ilang kongresista

Pagliban ni VP Sara sa House comm hearing, 'budol style' ayon sa ilang kongresista
Photo courtesy: Jay Khonghun, House of Representatives, Paolo Ortega/Facebook

May mensahe si Zambales Representatives Jay Khonghun hinggil sa pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa balak daw na niyang hindi sumipot sa hearing tungkol sa confidential funds ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President  (OVP) sa darating na Nobyembre 20, 2024. 

Tahasang tinawag ni Khonghun sa kaniyang pahayag noong Linggo, Nobyembre 17, 2024, na “budol style” daw ang pahayag ng Pangalawang Pangulo patungkol sa desisyon nitong hindi siputin ang pagdinig sa kaniyang confidential funds. 

“Walang masama sa affidavit. Pero ang problema ay ’yung budol style niya—sinasabing hindi siya inimbitahan, pero ngayong may pagkakataon siyang linawin ang isyu, ayaw niyang humarap. Kung walang itinatago, bakit hindi kayang sagutin nang harapan ang tanong ng Kongreso at ng taumbayan?” anang mambabatas.

Matatandaang nauna nang maglabas ng kumpirmasyon si VP Sara na hindi na raw siya sisipot sa anumang pagdinig hinggil sa paggamit niya ng confidential funds at sinabing isang beses lang daw siya naimbitahan ng Kongreso tungkol dito. 

National

Bagyong Pepito, nakalabas na ng PAR!

“Hindi ako aattend na sa hearings na susunod. Kasi nandoon na ako, pumunta na ako eh, tapos wala man silang pinagawa sa akin. Pinaupo lang nila ako doon,” ani VP Sara sa kaniyang panayam sa media noong Nobyembre 15. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, walang balak siputin hearing tungkol sa kaniyang confidential funds

Sumang-ayon din si La Union Representative Paolo Ortega V kay Khonghun at iginiit na pambubudol lang daw ang affidavit na ipapasa ng Pangalawang Pangulo upang makaiwas lang daw ito sa masusing pagtatanong ng Kamara. 

“Isang pambubudol na naman ito sa ngalan ng panawagang sumagot si VP Sara dahil gagamitin ang affidavit para makatakas at hindi na mag-appear sa hearing. Hindi ito sapat para linawin ang mga isyu ng confidential funds. Harapin niya ang mga tanong ng publiko at ng Kongreso,” ani Ortega.

Matatandaang Agosto 2024 nang maungkat at gumulong ang pagdinig sa umano’y maanomalyang paggamit ng OVP sa kanilang confidential funds.

Samantala, wala pang inilalabas na tugon ang OVP, hinggil sa pahayag ng dalawang mambabatas.