January 23, 2025

Home BALITA

'Napag-iwanan?' Pamilya ng mga biktima ng Ampatuan Massacre, hustisya pa rin ang sigaw

'Napag-iwanan?' Pamilya ng mga biktima ng Ampatuan Massacre, hustisya pa rin ang sigaw
Photo courtesy: AP file photo

May mensahe ang pamilya ng mga biktima ng Ampatuan Massacre, sa papalapit na ika-15 anibersaryo magmula nang mapaslang ang kanilang mga kaanak dulot ng naturang karumal-dumal na pagpatay sa mga biktima noong Nobyembre 23, 2009. 

Ayon sa ulat ng ilang local media news outlets, 58 katao ang napaslang sa naturang massacre, kung saan 32 sa mga ito ay mga mamamahayag. 

Matatandaang Nobyembre 23, 2009 nang mangyari ang Maguindanao massacre matapos umanong tambangan at ilibing ng buhay ang sinasakyan ng ilang media workers at kaanak ni Esmael Mangudadatu na noo’y patungo sanang provincial capitol ng Maguindanao upang i-file ang kaniyang kandidatura sa pagka-gobernador para sa darating na May 2010 election.

Sa panayam ng media kamakailan kay National Union of Journalist in the Philippines (NUJP) Director na si Zorayda Eva Lim Mustaril, sinabi niyang kasabay daw ng pagkitil sa buhay ng mga biktima ay ang tuluyang pagkawala rin daw ng kanilang paniniwala sa pagpapairal daw ng hustisya sa bansa. 

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ito ang araw na hindi lamang kinitil ang buhay ng 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, kundi pati ang pananampalataya sa ating kakayahang pairalin ang hustisya at demokrasya,” ani Mustaril. 

Ilang pamilya din umano ng mga biktima ang maagang bumisita sa puntod ng kanilang mga kaanak noong Linggo, Nobyembre 17, 2024, isang linggo bago ang ika-15 anibersaryo ng naturang massacre. 

Sa panayam pa rin ng isang local media outlet noong Linggo, Nobyembre 17, kay Rolly Morales, kapatid ng isang mamamahayag na si Rossell Morales na kasamang pinatay noon sa Maguindanao massacre, sinabi niyang tila napag-iwanan na raw silang mga humihingi ng hustisya. 

“Napag-iwanan na kami ng mga taong sa umpisa ay sumusuporta sa amin.”

May mga kaanak din daw ng mga biktima ang hinahanap ang tulong ni Atty. Harry Roque, na noo’y siyang humawak ng ilang kaso ng kanilang pamilya tungo sa pagkamit ng hustisya. 

Ayon sa mensahe ni National Press Club Lydia Bueno para ika-14 anibersaryo ng naturang massacre noong 2023, tanging 44 pa lamang ang nahuhuli ng mga awtoridad mula sa kabuoang bilang daw ng mga suspek na tinatayang nasa 83 katao.

-Kate Garcia