Kinumpirma ni Justice Secretary Boying Remulla na nakasailalim na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) Task Force kaugnay ng umano’y extrajudicial killings ng giyera kontra droga ng administrasyon nito.
Sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Nobyembre 18, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Remulla na mag-iimbestiga ang kanilang task force hinggil sa posible umanong paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) sa ilalim ng Republic Act (RA) 9851, Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, at iba pang Crimes Against Humanity.
“Lahat ng pwedeng sakupin. Syempre you are talking about several laws that will come into play. You have the Revised Penal Code and other special laws, and you have Republic Act 9851,” ani Remulla.
Hindi naman binanggit ni Remulla kung sino-sino pa ang mga isasailalim sa imbestigasyon bukod kay Duterte.
Samantala, sinabi rin ng DOJ secretary na kailangan daw nilang mamili ng “strategy” kapag nag-overlap ang mga kaso sa imbestigasyon ding ginagawa ng International Criminal Court (ICC) hinggil war on drugs ng dating pangulo.
“Mag-ooverlap ‘yan, so we have to choose our strategy. Kapag nag-overlap ‘yan sa ICC, mag-choose tayo. We want the charges to be separate from each other,” ani Remulla.
“What we charge here and what the ICC charges, if possible, do not overlap. Kasi ano ‘yan eh, even if we are not members of the ICC, the spirit of complementarity is still in place,” saad pa niya.
Habang sinusulat ito’y wala pa namang sagot o komento ang kampo ni Duterte sa nasabing mga pahayag ni Remulla.
Matatandaang noong Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Atty. Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno