December 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Batang nag-concert sa evacuation center, kinagiliwan!

Batang nag-concert sa evacuation center, kinagiliwan!
Photo courtesy: Screenshots from Emmo Malana Nicolas (TikTok)

Isang batang lalaki ang kinagiliwan ng netizens nitong Huwebes, Nobyembre 14, matapos tila mag-concert sa isang evacuation center sa Gonzaga, Cagayan.

Sa viral Facebook reel ni Emmo Malana Nicolas kamakailan na may 1k reacts, 101k views at 665 shares na sa kasalukuyan, mapapanood ang isang bata sa video na nangngangalang  Levy Euan Quinn Salgado na may hawak na mikropono at tila inaawitan ang kapwa evacuees sa Cagayan. 

Mababasa sa caption, “Isang bravong bata ininentertain ang mga tao sa evacuation center upang maibsan ang kaba at alahanin ng mga evacuees.“

Naitampok na sa iba’t ibang regional news outlets ang nasabing viral Facebook reel gaya na lamang ng Cagayan Provincial Information Office at GMA Regional TV.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Ayon sa ulat ng One North Central Luzon kamakailan, sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ofel kung saan karamihan sa mga taga-Cagayan ay nasalanta, may tila pa-give me a break concert ang batang si Euan sa kapwa evacuees, sa pamamagitan ng isang Ilocano song na “Bukel Bukel” na nangangahulugang “Bilog”.

Umani ito ng iba't ibang komento sa mga netizens. Ang ilan ay sinabing “Cagayano kami, bagyo ka lang.” at ang iba naman ay sinasabing ipinapakita nito ang pagiging matatag ng mga Pilipino sa gitna ng kinahaharap na pagsubok. 

Narito ang ilan pa sa mga komento ng netizen sa nabanggit na Facebook reel.

“Ikanta na lang ang bagyo. Masayahin ang mga Cahaysnos at Isabelinos.”

“A testament to the resilience of Filipinos”

“Good job boy galing mo...ganda boses mo...tinanggal  mo kaba ng mga tao sa evacaution...kahit paano naibsan o natanggal konti kaba nila sa bagyo...”

“Bravo ang galing mo,.atleast napatawa mo mga kababayan na kinakabahan sa bagyo”

“Good vibes nman Ang batang to.”

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Emmo Malana Nicolas, ibinahagi niya ang kuwento sa nag-viral na reel sa nabanggit na evacuation center. 

Ayon kay Nicolas, si Euan, ay isang Grade 7 na mag-aaral mula sa Gonzaga National High School, at kilala na raw ang bata sa kaniyang natural na talento sa pagkanta. 

Dagdag pa ng uploader, hindi niya inaasahang magva-viral ang kaniyang video.

"Para sa akin, gusto ko lang ipakita sa buong mundo na kahit may dala-dalang pangamba, pinipilit pa rin naming pasayahin ang aming sarili," aniya.

Ang kuwento ng batang si Euan ay higit pang naging espesyal dahil sa likod ng kaniyang matatamis na awitin ay ang kaniyang personal na kuwento—siya’y ulila na sa ama at ang kaniyang ina lamang ang katuwang niya sa buhay. 

Nang magkaroon ng pagkakataong mag-alay ng awit para maaliw ang kapwa evacuees, buong tapang na tumayo si Euan at bumanat ng awiting Ilokano agad nagbigay saya sa buong evacuation center. 

"Nang marinig ko ang boses niya, naghiyawan ang mga tao," pagbabahagi ni Nicolas.

Ayon pa kay Nicolas, na lubos na kilala ang ina ni Euan, hindi napigilang maluha ng ina ng bata nang malaman niyang viral na ang video ng anak niya.

"Kung buhay pa ang ama niya, sigurado akong magiging proud din ito," dagdag niya pa.

Sa kabila ng mga hamong dala ng bagyo, nagsilbing inspirasyon ang video ni Euan para sa marami. 

"Ang video ay nagpapakita ng pagiging matatag at masayahin ng mga Pilipino sa kabila ng kinakaharap na pagsubok," ani Nicolas. 

Sa mas seryosong usapan, nag-iwan ng mensahe si Nicolas para sa kapwa niyang evacuees at maging sa iba pang nahaharap ngayon sa hagupit ng mga kalamidad.

Ipinahayag din niya na ang ganitong uri ng kuwento ay mahalaga upang ipaalala sa atin na sa gitna ng unos, ang kasiyahan at pag-asa ang magsisilbing gabay patungo sa mas maliwanag na kinabukasan.

“Life must go on, cheer up, kahit gaano kahirap ang sitwasyon. Laging may positibong aspeto sa bawat pangyayari. Wag ikulong ang sarili sa kalungkutan dahil lahat ay may solusyon.” aniya.

Ang mga ganitong kuwento ng resiliency ay patunay sa diwa ng bayanihan at katatagan ng mga Pilipino, na sa kabila ng mga sakuna, ay pinipiling ngumiti at magsaya, lumalaban upang makabangon.

Mariah Ang