January 23, 2025

Home SHOWBIZ

BALITAnaw: Ang karera ni Mercy Sunot at ang musika ng Aegis

BALITAnaw: Ang karera ni Mercy Sunot at ang musika ng Aegis
Photo courtesy: Mercy Sunot, The Aegis Band/Facebook

Tila hindi maipagkakailang kasama sa nagpayabong ng Original Pilipino Music (OPM) ang mga awitin ng bandang Aegis na halos laman ng bawat radio stations at karaoke hits noong late 1990s hanggang early 2000s.

Binubuo ng magkakapatid na lead singers na sina Mercy, Juliet at Ken Sunot, kasama sina Stella Pabico (keyboardist), Vilma Goloviogo (drummer), Weng Adriano (bassist) at Rey Abenoja (lead guitarist), minsang niyanig ng Aegis ang musikang Pilipino maging sa loob at labas man ng bansa. 

‘Ika ng nila, ang tagos sa pusong liriko ng bawat kanta ng Aegis ang mabilis na pumukaw sa atensyon ng masa, lalo na’t tila marami ring nakaka-relate sa mga ito. Ilan sa mga maituturing na awitin ng banda na tila hindi nga raw naluluma ay ang “Luha,” “Basang-basa sa Ulan,” at “Halik.”

Bago pa man magsulputan ang “digital sales” sa music industry, tinatayang nasa kalahating milyon din umano ang inabot ng sales ng physical albums. Sa pagbabalik tanaw ng banda noong 2018 sa kanilang panayam sa isang local media outlet, naikuwento pa nila na ₱35 lang ang bayad sa kanila kada show at napilitan pa rin daw sila noon na ibaba ang presyo ng kanilang unang album sa halagang ₱80 upang may tumangkilik lang daw. 

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ang kanilang matataas at matitinis na mga awiting tila basehan na nga sa bawat singing competition, ay hindi masasabing “tatak Aegis” kung wala ang isa sa mga ginintuang boses ni Mercy, at biro nga nila, makatanggal-kaluluwa at ngala-ngalang pagbirit nito.

Sa panandaliang pagkawala sa spotlight ng Aegis dulot na rin ng pag-usbong sa mabilis na pagbabago ng industriya ng musikang Pilipino, niyanig ng isang balita kamakailan ang social media. Matapos ang ilang taong pananahimik, lakas-loob na ibinahagi ng Aegis member na si Mercy ang kaniyang pinagdaanan kasabay nang paghingi niya ng dasal. 

KAUGNAY NA BALITA: Mercy Sunot ng Aegis, umapela dahil sa lung cancer: 'Pag-pray n'yo ko!'

Noong Nobyembre 16, 2024, nagawa pang ibahagi ni Mercy sa kaniyang TikTok account ang kaniyang pakikipaglaban sa breast at lung cancer kung saan emosyonal niyang ikinuwento ang pagsailalim niya sa isang operasyon. 

Lingid sa kaalaman ng Aegis fans, ito na pala ang huling beses na masisilayan nila ang kanilang idolo. Nitong Lunes, Nobyembre 18, tuluyang pumanaw ang singer sa edad na 48 taong gulang. 

Sa huling pagsasalaysay ni Mercy ng kaniyang pakikibaka sa cancer, bagama’t naging matagumpay daw ang kaniyang kahuli-hulihang lung surgery, nahirapan daw siyang huminga dulot ng pagkakaroon ng tubig sa kaniyang baga, na siya ring dahilan kung bakit daw kinailangan niyang isugod sa Intensive Care Unit (ICU). 

“Tapos na 'yung surgery ko sa lungs, pero biglang nahirapan akong huminga, so dinala ako sa ICU,” anang yumaong singer. 

Sa opisyal na Facebook account ng banda nitong Nobyembre 18, kinumpirma nila ang pagpanaw ni Mercy at nag-iwan ng isang maikling mensahe. 

“It is with heavy hearts that we share the news of the passing of Mercy, one of the beloved vocalists of AEGIS Band and the voice behind the hit song ‘Luha.’ She bravely fought her battle with cancer but has now found peace and rest,” anang banda. 

KAUGNAY NA BALITA: Mercy Sunot ng Aegis, pumanaw na

Tuluyan mang nagpaalam sa mundo si Mercy, para sa OPM industry, mananatiling nag-iisa ang kaniyang ginintuang boses at magpapatuloy ang kaniyang musikang iniwan kasama ang Aegis.

Kate Garcia