Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Pepito nitong Lunes ng tanghali, Nobyembre 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa update ng PAGASA, lumabas ng PAR ang Severe Tropical Storm Pepito dakong 12:00 ng tanghali.
Inabisuhan naman ng weather bureau ang publiko na manatiling nakaantabay sa kanilang updates hinggil sa magiging lagay ng panahon.
Matatandaang noong Huwebes, Nobyembre 14, nang pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Pepito na naging “super typhoon” mula Sabado, Nobyembre 16, hanggang Linggo, Nobyembre 17.
Nag-landfall ang bagyo sa kalupaan ng Panganiban, Catanduanes noong Sabado ng gabi, at maging sa kalupaan ng Dipaculao, Aurora noong Linggo ng hapon.
Pagsapit ng gabi nitong Linggo nang humina ang Pepito at ibinaba sa “typhoon” category.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may isang indibidwal na nasawi sa Camarines Norte dahil sa hagupit ng nasabing bagyo sa bansa.
MAKI-BALITA: PBBM, inanunsyong may nasawi sa Camarines Norte dahil kay ‘Pepito’: ‘That’s unfortunate!’