Umukit ng kasaysayan si Miss Denmark Victoria Theilvig matapos niyang maiuwi ang kauna-unahang titulo ng Miss Universe para sa kanilang bansa sa katatapos pa lamang na 73rd Miss Universe 2024 na ginanap sa Arena CDMX, sa Mexico nitong Nobyembre 17, 2024 (araw sa Pilipinas).
Mula sa 125 contestants, nasungkit ng 20-anyos na si Victoria ang titulo ng Miss Universe at siyang kaunahang nagsuot ng “light of infinity” crown na gawang Pinoy.
Taong 2021 nang simulan ni Victoria ang kaniyang karera sa beauty pageant nang una siyang sumali sa isa sa mga itinuturing na presteryosong pageant sa kanilang bansa na Miss Denmark, kung saan itinanghal siyang 2nd runner-up.
Unang nakipag-sabayan sa international beauty pageant si Victoria nang tuluyan siyang maging Miss Grand Denmark at sumabak sa Miss Grand International noong 2022. Habang noong Setyembre 2024 naman nang mapili siya bilang Miss Universe Denmark.
Sa pagkakaluklok ni Victoria bilang Miss Universe 2024, bitbit niya ang animal welfare advocacy na kaniya raw isusulong upang mabigyan daw ang mga isyung bumabalot sa wildlife conservation, tamang pagtrato sa mga hayop at iba pa.
Ayon sa isang international news media outlet, nais din daw gamitin ni Victoria ang kaniyang “entrepreneurial background,” upang makatulong daw sa kababaihan.
“I believe in empowering women to break barriers and redefine what it means to succeed, we are capable of achieving greatness in any field we choose,” ani Victoria.
Sa kahulihang pagsagot at pagbida ni Victoria sa entablado ng naturang kompetisyon, isang makabuluhang mensahe ang kaniyang iniwan para lahat ng sumusubaybay sa kaniya.
"My message to all the world that are watching out there is no matter where you come from, no matter your past, you can always choose to turn it into your strengths. It will never define who you are. You just gotta keep fighting,” saad ni Victoria.
Ipinasa ni Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios ng Nicaragua ang titulo at korona kay Victoria bilang ika-73 Miss Universe. Sa kaniyang pagkakaluklok, nakatakda niyang pangunahan ang ilan sa mga plataporma ng Miss Universe organization at libutin ang tinatayang 30 bansa.
Hindi naman nakapasok sa Top 12 ang pambato ng Pilipinas na si Chelsea Manalo mula sa Bulacan.
BASAHIN: Chelsea Manalo, nakapasok sa Top 30 ng 73rd Miss Universe 2024
Kate Garcia