Ibinahagi ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia ang kaniyang pananaw hinggil sa klase ng eleksyong mayroon sa Pilipinas.
Sa latest episode ng “KC After Hours” nitong Sabado, Nobyembre 16, inusisa si George kung gaano raw ba karumi ang halalan sa bansa.
“Dito kasi sa Pilipinas wala kasing natatalo, lahat nadadaya,” saad ni Garcia. “Siguro ‘yong perception lang muna, napakaimportante kasi that if the people will lose confidence and trust doon sa institution na nagho-hold ng election—or even in the process of how we conduct the elections—balewala na lahat.”
“Therefore, they will assail the result of the election and they will even assail the independence of what really happened and why a particular candidate won,” wika niya.
Dagdag pa ng opisyal, “So, gaano karumi ang eleksyon sa Pilipinas? Siguro nga hindi naman gano’n no’ng mga nakakaraan. Pero siyempre hindi kasi naipapaliwanag.”
Kaya binanggit ni Garcia ang vote buying bilang umano’y iregularidad na mayroon pa rin sa bansa dulot ng money politics, narcopolitics, jueteng politics, at iba pa.
Aniya, “‘Yong vote buying sa kasalukuyan, iyan ang modern cancer of our democracy. Walang pinag-uusapang machine-machine diyan sa vote-buying.”
“‘Pag ang boto ng tao binili, alam natin hindi naman malalaman ng makina kung binili ‘yon o tinakot ba siya because of terrorism or violence,” dugtong pa ni Garcia.
Sa kasalukyan, unit-unti na naman daw nila itong nagagawan ng paraan ngunit aminado si Garcia na kailangan pa rin daw nila ang tulong ng lahat.