Nagbigay ang Department of Education (DepEd) ng ilang tips para mas maging ingklusibo ang pakikitungo sa komunidad ng mga deaf at hard-of-hearing kasunod ng katatapos na National Deaf Awareness Week.
Sa Facebook post ng DepEd Philippines nitong Sabado, Nobyembre 16, inilatag nila ang tips upang isulong ang kaalaman at mas ingklusibong pakikitungo sa deaf at hard-of-hearing community alinsunod sa ginunitang National Deaf and Hard-of-hearing Awareness Week:
1. Educate Yourself. Ang pag-unawa sa kultura, kasaysayan, at mga pagsubok ng Deaf community ay isang mahalagang hakbang upang maintindihan at masuportahan sila.
2. Maintain Eye Contact and Facial Expressions. Sa pakikipag-usap sa deaf at hard-of-hearing people, mainam na panatilihin ang eye contact at gamitin ang ekspresyon ng mukha upang maiparating ang iyong emosyon at intensyon sa kausap. Ito ay mahalaga upang mabuo ang koneksyon sa kanila.
3. Use Clear and Simple Language. Gumamit ng simple at direktang salita sa pakikipag-usap sa kanila, ito man ay pasalita o pasulat. Iwasan ang paggamit ng jargon o slang.
4. Respect Communication Preferences. Mahalagang itanong sa isang deaf o hard of hearing individual kung ano ang nais niyang paraan sa pakikipag-usap bilang respeto. Tandaan na ang iba ay mas pinipiling gumamit ng sign language habang ang iba ay gumagamit ng lip reading, pagsusulat, o technology-assisted method.
5. Learn Basic FSL. Kung may pagkakataon, ang pag-aaral ng Filipino Sign Language ay malaking tulong upang mapunan ang communication gap at maipakita ang suporta sa deaf at hard of hearing community.
Ang Deaf Awareness Week ay itinatag sa pamamagitan ng Proclamation No. 829, na pinirmahan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Nobyembre 8, 1991.
Ayon sa proklamasyong ito, ang selebrasyon ay ginaganap tuwing Nobyembre 10 hanggang 16 taun-taon. Layunin nitong bigyang-pansin ang kamalayan ng publiko tungkol sa mga isyu ng pagkabingi at ang kahalagahan ng rehabilitasyon at suporta para sa mga taong may kapansanan sa pandinig.
Pangunahing pinangungunahan ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang mga inisyatiba para sa pagdiriwang na ito.
Mariah Ang