Pinag-aaralan na raw ng Ministry for Legal, Human Rights, Immigration, and Correction ng Indonesia ang posibilidad na mailipat na ng kulungan dito sa Pilipinas ang Filipina death row inmate na si Mary Jane Veloso, matapos ang 14 na taong pagkakakulong sa Indonesia.
Ayon sa press release ng Ministry for Legal, Human Rights, Immigration, and Correction, kapag naaprubahan daw ng gobyerno ng Indonesia ang pagpapalipat ng piitan ni Veloso, maaari daw na ituloy ni Veloso ang natitirang taon ng kaniyang sintensya sa Pilipinas.
“If the request is granted, Mary Jane Veloso will continue to serve her remaining sentence in the Philippines, subject to the conditions determined by the Indonesian court's ruling,” anang ahensya.
Samantala, ayon sa ulat ng GMA Integrated News, ang naturang desisyon ay nauna na raw mapag-usapan sa pagitan ni Philippine Ambassador Gina Alagon Jamoralin at Indonesian coordinating Minister Yusril Ihza Mahendra.
Nilinaw din ni Yusril na nasa kamay daw ng Pilipinas ang magiging hatol kay Veloso kapag naging matagumpay ang na mailipat siya ng kulungan lalo pa’t walang batas ang bansa na sumasaklaw sa death penalty.
“The responsibility for their rehabilitation rests with that country, including decisions on whether to grant remission or clemency, all of these decisions are handed over to the respective country.”
Matatandaang taong 2010 nang mahuli sa Indonesia si Veloso dahil sa umano’y drug trafficking at hinatulan ng death sentence. Taong 2015 naman nang magawang mahabol ng gobyerno ng Pilipinas ang noo’y execution kay Veloso sa pamamagitan dapat ng firing squad.
Kate Garcia