November 16, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Ilan sa mga umano’y senyales ng paparating na delubyo

Ilan sa mga umano’y senyales ng paparating na delubyo
Photo courtesy: Pexels

Nitong Nobyembre, naranasan ng Pilipinas ang halos magkakasunod na pananalanta ng mga bagyo. Taon-taon, iba’t ibang kalamidad din ang sinasalubong ng bansa katulad ng lindol at pag-aalboroto ng mga bulkan na dulot na rin ng lokasyon nito na sakop ng tinatawag na “Pacific Ring of Fire.”

Kaugnay nito, nito lamang Biyernes, Nobyembre 15, 2024 nang magkalat sa social media ang pagdagsa umano ng mga ibon sa Bicol region, na umani ng iba’t ibang reaksiyon sa netizens at pinaniniwalaan ng ilan na may kaugnayan raw sa papalapit na pananalasa ng super typhoon Pepito.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Premonition nga ba?’ Pagdagsa ng ibon sa ilang lugar sa Bicol, umani ng reaksiyon

Kaya naman tila hindi rin maitatanggi na nag-ugat na sa kapaligiran ang ilan sa mga sinanunang paniniwala ng mga Pilipino na hanggang ngayon ay bitbit pa rin ng marami.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Kilalanin ang pinakaunang Pinoy na nakaakyat sa ‘Mt. Ama Dablam’ ng Nepal

Eclipse at Full moon

Katulad ng sinaunang paniniwala, marami ang tila nagsasabi na may delubyo o sakunang paparating dahil sa aktibidad ng buwan. Katunayan, ang ganitong mga paniniwala ay laganap din sa iba’t ibang bansa katulad ng mga sinaunang paniniwala sa Norse mythology, Hinduism at ancient Egypts, na kapuwa nagsasaad na ang Eclipse at pagbilog ng buwan ay mensahe umano ng kanilang mga diyos na mayroong paparating na sakuna.

Paglabas ng mga hayop sa kanilang lungga 

Naniniwala rin ang mga Pinoy na may paparating daw na kalamidad ang paglabas ng mga hayop sa kanilang lungga. Kalimitang binibigyang konsiderasyon na pawang ang mga hayop daw ang unang nakakaramdam ng sakunang darating dahil sila ang direktang nakatira sa kalikasan katulad na lamang ng mga ahas na nakalungga sa lupa at mga ibon na nasa himpapawid.

Pag-alulong at kahol ng aso 

Kalimitang kasabihan din ng mga matatanda na may negatibo raw na kahulugan ang walang tigil na pag-alulong ng mga aso o hindi naman kaya ay pagtahol ng mga ito. Anila, dahil malakas daw ang pakiramdam ng mga aso, pinaniniwalaan nilang may kakaiba raw na nararamdaman ito sa paligid na siyang nadudulot ng pagkabalisa sa kanila. 

Pagpula ng kalangitan

Nakaugat pa rin sa sinaunang paniniwala, may negatibo raw na kahulugan ang pagpula ng kalangitan na nagpapahiwatig umano ng isang masamang pangitain o madugong pangyayari. 

Paglitaw ng mga hayop mula sa ilalim ng dagat

Tila marami rin ang nangingilabot sa tuwing biglaang sumusulpot sa dalampasigan ang mga hayop mula sa ilalim ng karagatan. Paniniwala ng ilan, direktang nararamdaman daw ng mga ito sa ilalim ang paggalaw ng lupa o pagbabago sa alon ng dagat na hudyat ng paparating na lindol o tsunami.

Nitong nakaraang linggo lamang ay iniulat ng ilang local regional news outlets ang talamak na paglitaw ng mga isdang tamban sa ilang baybayin sa Cebu.

Paglabas ng mga gamo-gamo

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, isa sa palatandaan na paparating na ang tag-ulan, ay ang pagdagsa o paglabas ng mga gamo-gamo. Lumalabas daw kasi ang mga ito bago sumapit ng tag-ulan upang magpalaki ng kanilang colony, o magparami pa ng kanilang lahi. 

Gayunman, Iba’t iba man ang mga paniniwalang nagtuturo ng pagdating ng mga sakuna, tila nagkakasundo naman ang mga ito sa iisang mensahe—mensahe na ang hatid ay kahandaan at kaligtasan na mas maging mapagmatiyag sa kapaligiran at maging alerto sa oras ng kalamidad. 

Kate Garcia