December 22, 2024

Home BALITA Probinsya

2 pulis, patay sa drug buy-bust operation sa Maguindanao del Norte

2 pulis, patay sa drug buy-bust operation sa Maguindanao del Norte
PNP (file photo)

Dalawang pulis ang nasawi habang apat na iba pa ang sugatan matapos ang isinagawang buy-bust operation na nagdulot ng engkwentro sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Biyernes, Nobyembre 15.

Base sa ulat ng GMA News, nagsagawa nitong Biyernes ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG)-Special Operations Unit-15 (SOU-15), militar, anti-illegal drug agents, kasama ng iba pang unit ng pulisya, laban sa isang drug syndicate na sangkot umano sa pamamahagi ng ilegal na droga sa lugar.

Samantala, napansin daw ng mga suspek na mga alagad ng batas ang kanilang nakatransaksyon, dahilan kaya’t nagtangka ang mga itong tumakas.

Nagdulot ang naturang pagtakas ng mga suspek ng palitan ng mga putok ng baril, kung saan dalawang pulis nga ang nasawi habang apat na iba pa ang dinala sa ospital upang gamutin.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dalawang suspek din umano ang nasugatan at naaresto, habang dalawa pang kasama nila ang nakatakas at isinailalim na sa manhunt operation.

Halos ₱7 milyon naman daw ang halaga ng hinihinalang shabu na nakuha ng mga awtoridad mula sa nasabing buy-bust operation.

Dagdag ng ulat, tiniyak ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Director, Brigadier General Romeo Macapaz sa publiko na ginagawa na ng PNP ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang dalawang nasawing pulis.

Inatasan na rin daw ni PNP chief Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang law enforcement operations upang mahuli na ang lahat ng mga sangkot sa nasabing kriminal na aktibidad.